10 bayan sa Cotabato Province, SGA at Maguindanao del Norte, dineklara ng militar na malaya na mula sa CTG at LTG; Deklarasyon, isinagawa sa send-off ceremony ng 34th IB
- Diane Hora
- Jan 20
- 2 min read
iMINDSPH

Isang mahalagang hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan ang naitala matapos pangunahan ng 34th Infantry Battalion ng Philippine Army ang send-off ceremony, kasabay ng deklarasyon ng mga bayan bilang CTG at LTG-free, at ang boluntaryong pagsuko ng mga loose firearms.
Noong Enero 14, 2026, matagumpay na isinagawa ng 34th Infantry Battalion, 1st Infantry Division ng Philippine Army, ang send-off ceremony at ang pormal na deklarasyon ng sampung bayan na malaya na mula sa Communist Terrorist Groups at Local Terrorist Groups.
Dumalo sa aktibidad si 602nd Brigade Commander Col Ricky Bunayog, kasama ang mga lokal na opisyal mula sa Cotabato at BARMM.
Sinaksihan din ito ni Maguindanao del Norte Governor Datu Tucao Mastura, at mga alkalde ng Midsayap, Libungan, Banisilan, Alamada, Nabalawag, at Northern Kabuntalan, gayundin ang mga provincial directors ng PNP sa Maguindanao del Norte at Cotabato Province.
Ipinakita ng presensya ng mga opisyal ng pamahalaan, kapulisan, at mga civic groups ang matibay na ugnayan ng militar at sibilyan sa pagpapatupad ng whole-of-nation approach laban sa lokal na armadong tunggalian.
Hudyat ng pagbuwag ng mga banta ng CTG at LTG sa lugar ang pagpapakawala ng mga kalapati na umano’y bunga ng tuloy-tuloy na security operations, community engagement, at maayos na pamamahala.
Samantala, ang boluntaryong pagsuko ng mga loose firearms ay itinuturing na patunay ng muling pagtitiwala ng mamamayan sa pamahalaan at ng kanilang paninindigan para sa mapayapa at makatarungang pamumuhay.
Pinarangalan din sa send-off ceremony ang sampung taong serbisyo at sakripisyo ng mga tauhan ng 34IB sa saklaw ng 602nd Brigade—mga pagsisikap na naging susi sa pagpapanatili ng kapayapaan, proteksyon ng komunidad, at pagsuporta sa mga programang pangkaunlaran.
Sa pagkakadeklara ng 10 bayan bilang CTG/LTG-Free, inaasahang mas bibilis ang paghahatid ng basic services, livelihood programs, at development projects ng mga pambansa at lokal na ahensya upang mas maramdaman ng komunidad ang peace dividends at mapanatili ang katatagan laban sa muling pag-usbong ng banta.
Tiniyak ng Philippine Army na mananatili itong matatag sa misyon nitong ipagtanggol ang bayan at pangalagaan ang mga nakamit na tagumpay ng kapayapaan, kaagapay ang mga komunidad na patuloy nitong pinaglilingkuran.



Comments