12 LOOSE FIREARMS isinuko ng mga residente ng Datu Paglas, Maguindanao del Sur sa military
- Apr 7
- 2 min read
iMINDSPH

Isinuko ng mga residente ng Datu Paglas, Maguindanao del Sur ang labindalawang (12) matataas na uri ng baril, ngayong Abril 6, 2026.
Ayon kay Brigadier General Omar Orozco, Commander ng 1st Mechanized Brigade, ang hakbang na ito ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na armas at sa pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.
Ang seremonya ay dinalunan ni Mayor Ibrahim Paglas IV, kasama ang mga Barangay Chairpersons ng nasabing bayan, gayundin ang mga kinatawan ng Philippine National Police na pinamunuan ni Police Captain Lucky Seigfred Sibayan, Chief of Police ng Datu Paglas.
Sa nasabing turnover, kusang-loob na isinuko ang siyam (9) na M1 Garand rifle, isang (1) M14 rifle, isang (1) M1 Carbine rifle, at isang (1) M2 Carbine rifle. Ang mga nasabing armas ay agad na dinala sa Headquarters ng 2nd Mechanized Battalion sa Brgy. Tual, President Quirino, Sultan Kudarat para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Bahagi ang hakbang na ito sa Whole-of-Nation Approach ng national government na naglalayong tuldukan ang paglaganap ng mga ilegal na armas at patatagin ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
Samantala, tiniyak ng 6th Infantry (Kampilan) Division na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang stakeholders upang hikayatin ang mas marami pang indibidwal na kusang-loob na magsuko ng kanilang mga armas. Kasabay nito, pinalalakas din ang security monitoring at koordinasyon upang maiwasan ang muling paglitaw ng mga ilegal na armas sa lugar.
Binigyang-diin ni Major General Jose Vladimir Cagara, Commander ng 6ID at Joint Task Force Central, ang kahalagahan ng pagtutulungan ng bawat sektor ng lipunan sa pagpapanatili ng kapayapaan.
Patuloy ang paninindigan ng 6ID na maging katuwang ng mamamayan sa pagtataguyod ng kapayapaan, kaayusan, at kaunlaran sa bahaging ito ng Mindanao.



Comments