14-anyos na dalagita, nasagip ng PNP at napigilan ang sapilitang child marriage sa T’boli, South Cotabato
- Diane Hora
- 27 minutes ago
- 2 min read

Ikakasal na sana ang 14-anyos na dalagita sa isang 19-anyos na lalaki sa Sitio Datal Bila, Barangay Tudok, bayan ng T’boli, South Cotabato, araw ng Sabado, Pebrero 7.
Ayon sa PNP, agad silang kumilos matapos i-report ng mga school authorities noong Pebrero 6, 2026 na ang menor de edad ay isinasailalim na sa pamamanhikan—isang tradisyunal na proseso ng kasunduan sa kasal—kahit malinaw na labag ito sa batas dahil sa edad ng bata.
Dahil sa agarang banta sa kapakanan ng estudyante, mabilis na ipinaabot ang impormasyon sa T’boli Municipal Police Station sa pamamagitan ng Women and Children Protection Desk, katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Kinabukasan, Pebrero 7, nagsagawa ng rescue operation ang mga pulis at social workers sa tahanan ng pamilya. Doon ay ipinaliwanag ng mga awtoridad ang mahigpit na probisyon ng RA 11596, na tahasang nagbabawal sa child marriage, pati na rin ang lokal na ordinansa na nagbibigay proteksyon sa mga menor de edad laban sa ganitong uri ng pang-aabuso—tradisyon man o hindi.
Matapos ang operasyon, inilagay ang 14-anyos sa pangangalaga ng MSWDO kung saan siya ngayon ay tumatanggap ng psychosocial support, intervention programs, at mga serbisyong tutulong sa kanyang emotional recovery at ligtas na reintegration.
Ayon sa PNP, sa ilalim ng RA 11596, ang sinumang magpapakasal o magpapasimuno ng kasal ng batang wala pang 18 taong gulang ay maaaring makulong ng hanggang 20 taon at multahan ng hanggang ?5 milyon. May hiwalay ding parusa para sa mga magulang, guardian, at mga solemnizing officer na papayag o tutulong sa child marriage. Anumang kasal na may kinasasangkutang menor de edad ay awtomatikong itinuturing na null and void.
Nanawagan din ang PNP sa publiko na maging mapagmatyag at agad magsumbong kung may nalalamang kaso ng child marriage.
Ang nasabing operasyon ay bahagi ng Focused Agenda ng PNP, partikular sa aktibong community support at mas pinaigting na police operations, kung saan ang tamang impormasyon mula sa mamamayan ang nagbigay-daan sa agarang aksyon ng mga awtoridad.



Comments