top of page

17 MATATAAS NA KALIBRE NG BARIL, ISINUKO SA MILITAR ang mga armas ay mula sa mga grupo na nag-aaway sa Mamasapano, Maguindanao del Sur

  • 3 days ago
  • 2 min read

iMINDSPH

Matagumpay at pormal na iprinisinta ang labimpitong (17) matataas na armas kay Brigadier General Edgar Catu, Commander ng 601st Infantry (Unifier) Brigade, na ginanap sa Bayan ng Mamasapano, Maguindanao del Sur.


Ang mga nasabing armas ay boluntaryong isinuko ng mga nagrirido o magkaaway na armadong grupo na nagdudulot ng kaguluhan at banta sa seguridad ng komunidad. Sa pamamagitan ng kanilang pagsuko, inaasahang mababawasan ang mga insidente ng karahasan at mapapalakas ang kapayapaan sa lugar.


Ang matagumpay na pagsuko at pagprisinta ng mga kagamitan pandigma ay pinangunahan nina Lt. Col. Edgardo Batinay, Commanding Officer ng 34th Infantry Battalion, at Lt. Col. Erwin Felongco, Commanding Officer ng 38th Infantry Battalion, sa pakikipagtulungan ni Akmad “Butch” Ampatuan Jr., alkalde ng Mamasapano, at mga opisyal ng barangay. Nakiisa rin sa nasabing aktibidad ang mga kinatawan mula sa Municipal Local Government Operations Office (MLGOO) at Philippine National Police (PNP).


Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Mayor Butch Ampatuan ang lahat ng nakiisa sa programa, lalo na ang mga indibidwal na nagkusang-loob na magsuko ng kanilang armas. Binigyang-diin niya na ang ganitong hakbang ay mahalaga sa pagpapatibay ng kapayapaan at kaunlaran sa Mamasapano. Aniya, “Ang kapayapaan ay nagsisimula sa ating sama-samang desisyon na iwanan ang karahasan at yakapin ang pagkakaisa.”


Samantala, pinuri ni BGen Edgar Catu ang matagumpay na koordinasyon ng militar, lokal na pamahalaan ng Mamasapano, at mga barangay opisyal na naging daan upang maisakatuparan ang boluntaryong pagsuko ng mga armas. Ayon sa kanya, ang naturang hakbang ay isang mahalagang ambag sa pagpapalakas ng seguridad at katatagan ng kapayapaan sa lugar. Hinikayat din niya ang iba pang grupo na sundan ang ganitong inisyatiba para sa kapakanan ng buong komunidad.


Nagpahayag naman ng kanyang buong suporta si MGen Jose Vladimir Cagara, Commander ng JTF Central at 6ID. Binigyang-diin niya na ang boluntaryong pagsuko ng armas ng mga nagrirido ay malinaw na indikasyon ng kanilang hangaring wakasan ang hidwaan at isulong ang kapayapaan. Ayon sa kanya, “Ang ganitong uri ng pagkakaisa at pagtitiwala sa pagitan ng mamamayan at pamahalaan ang susi upang tuluyang matapos ang karahasan at mapanatili ang kaayusan sa ating mga komunidad.”

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page