19 mula sa 112 interns ng isang paaralan sa Kidapawan City, nakaranas ng pagkasunog ng balat matapos umano silang ini-spray-han ng hindi matukoy na likido sa likod sa reception rites
- LERIO BOMPAT
- Aug 26
- 2 min read
iMINDSPH

Iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad ang umano’y insidente ng hazing na naganap sa reception rites ng mga estudyante mula sa Criminology Department ng Central Mindanao Colleges (CMC) noong Agosto 23, 2025 sa Kalaisan National High School, Barangay Kalaisan, Kidapawan City.
Ayon sa awtoridad, bandang alas-5:00 ng umaga isinagawa ang naturang rites na dinaluhan ng humigit-kumulang 112 criminology students. Umabot sa 19 na mga estudyante ang nakaranas ng iritasyon at paso sa balat matapos umano silang spray-han sa likod ng di-matukoy likido ng kanilang mga seniors.
Lima naman ang itinuturong senior students na may gawa nito sa mga interns.
Ayon sa mga interns, ang nasabing reception rites ay bahagi ng tradisyon bago sila ma-deploy para sa internship. Bagama’t nagbigay ng paalala si Dr. Rolando Demaulo Poblador, Dean ng Criminology Department, at nagsagawa ng inspeksyon ng mga gagamiting kagamitan, inamin ng mga estudyante na may ilang kagamitan na ipinasok ng kanilang mga seniors na hindi kabilang sa inaprubahan ng paaralan.
Sa bawat istasyon ng rites, isinailalim sila sa iba’t ibang pisikal at mental na pagsasanay. Ngunit kalaunan, nagsimulang makaramdam ng matinding hapdi at paso sa katawan ang ilan matapos silang spray-han umano ng likido. Nang makita ng dean ang lagay ng mga estudyante, agad niyang ipinatigil ang aktibidad at ipinadala ang mga ito sa school nurse para sa first aid.
Kinumpirma ni PLTCOL Dominador Palgan Jr., Officer-in-Charge ng Kidapawan CPS, na nakausap ng pulisya ang mga biktima sa tulong ni Atty. Rustan Jay Famador, at sinimulan na ang koordinasyon sa pamunuan ng paaralan para sa opisyal na pahayag at pagtukoy sa mga sangkot na seniors.
Dagdag pa ng pulisya, isasailalim ang kaso sa wastong dokumentasyon bilang paghahanda para sa kaukulang legal na aksyon laban sa mga responsable.



Comments