top of page

2 Chinese nationals ang nailigtas, habang 2 dayuhang suspek ang arestado sa kasong Serious Illegal Detention

  • Dec 31, 2025
  • 1 min read

iMINDSPH



Matagumpay na nailigtas ng Philippine National Police ang dalawang Chinese national at naaresto ang dalawang dayuhang suspek kaugnay ng isang kasong Serious Illegal Detention sa Bonifacio Global City, Taguig City.


Dalawang Chinese national ang matagumpay na nailigtas, habang isang 32-anyos na Chinese national at isang 30-anyos na Taiwanese national ang naaresto dahil sa umano’y paglabag sa Article 267 (Serious Illegal Detention) ng Revised Penal Code.


Isinagawa ng awtoridad ang operasyon matapos humingi ng tulong ang isang Chinese national na malapit na kaibigan ng mga biktima. Batay sa ulat, iligal umanong ikinulong at pisikal na inabuso ng mga suspek ang mga biktima simula Disyembre 18, 2025, matapos itong magpahayag ng kanilang intensyon na magbitiw sa trabaho.


Sa nasabing lugar, natuklasan ang isang naka-lock at may rehas na silid kung saan nakakulong ang dalawang biktima. Napansin din ang mga sugat, galos, at pasa sa kanilang mga katawan na malinaw na indikasyon ng pisikal na pananakit.


Agad na iniligtas at isinailalim sa proteksyon ang mga biktima, habang ang dalawang suspek ay inaresto.


Ang operasyon ay isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group–Southern Metro Manila District Field Unit, katuwang ang Southern Police District.


Ayon kay PNP Acting Chief, Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., mahigpit ang paninindigan ng PNP laban sa anumang uri ng pang-aabuso.


Naisampa na ang criminal complaint laban sa mga suspek sa National Prosecution Service, habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon sa kaso.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page