2 miyembro ng M!LF, patay matapos tambangan ang sinasakyan ng mga ito sa Barangay Kapinpilan, Ampatuan, Maguindanao del Sur
- Jan 13
- 1 min read
iMINDSPH

Batay sa ulat ng Ampatuan Municipal Police Station, kinilala ang mga nasawi na sina Datu Hamsa Kindo, kilala rin bilang “Kumander Twabak”, 46 anyos, isang M!LF Commander sa ilalim ng 118th Base Command, at Mohammad Acob, 44 anyos, miyembro rin ng parehong base command. Kapwa residente ng nasabing barangay ang mga biktima.
Ayon sa paunang imbestigasyon, sakay ng isang puting minivan ang mga biktima habang papalabas ng kanilang kampo patungo sa Sitio Bliss at nakaharap sa national highway nang bigla silang paulanan ng bala ng mga hindi pa nakikilalang suspek.
Dahil sa insidente, nawalan ng kontrol ang sasakyan, at bumangga sa isang puno. Natagpuan si Kindo na nasa driver’s seat habang si Acob ay nasa labas ng sasakyan na may tama ng bala.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Ampatuan MPS, kasama ang 2nd Provincial Mobile Force Company, MDSPPO, at Charlie Company ng Philippine Army. Isinugod ang mga biktima sa Integrated Provincial Health Office o IPHO Hospital ngunit kapwa idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Sa isinagawang crime scene investigation, nakita sa lugar ang dalawang long firearms, belted ammunition, isang ammunition box, at isang black magazine pouch.
Inihatid naman ang mga labi ng mga nasawi sa kanilang kampo sa tulong ng Ampatuan MPS at 2nd PMFC para sa agarang paglilibing alinsunod sa paniniwalang Islam.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang mga salarin at ang motibo ng krimen, habang inalerto na rin ang mga kalapit na himpilan para sa posibleng pag-aresto sa mga suspek.



Comments