2 pamilya sa Sultan Kudarat, tinuldokan na ang hidwaan at mas piniling magpatawad
- Diane Hora
- Jan 26
- 2 min read
iMINDSPH

Isang krimeng hindi na maibabalik ang buhay—hindi lamang ng isang ina, kundi pati ng sanggol na hindi na nasilayan ang mundo. Ganito, inilarawan ng Sultan Kudarat LGU ang isang pangyayaring nag-iwan ng wasak na mga pangarap at sugatang mga puso, at nagdulot ng dalamhati hindi lamang sa dalawang pamilya kundi sa buong bayan.
Ayon kay Mayor Datu Shameem Biruar Mastura, sa mga unang araw matapos ang insidente, nanaig ang galit, lungkot, at matinding paghahanap ng kasagutan. Sa paghaharap ng dalawang pamilya, may mga salitang binitiwan sa bugso ng damdamin, mga matang basang-basa sa luha, at mga pusong hirap aniyang tanggapin kung paano nauwi sa trahedya ang isang simpleng alitan ng mag-asawa.
Sa ibinahaging impormasyon ng LGU, para sa pamilya ng biktima, doble ang sakit—ang pagkawala ng anak, kapatid, at ng isang sanggol na may dala sanang pag-asa. Para naman sa pamilya ng lalaki, naroon ang matinding hiya, pagsisisi, at bigat ng pananagutan sa kasalanang nagawa ng isang mahal sa buhay.
Sa tulong ng lokal na pamahalaan, mga halal na opisyal, mga konsehal, nakatatanda, lider ng komunidad, at mga tagapagtaguyod ng kapayapaan, nabigyan ng pagkakataon ang dalawang panig na magharap at magpakatotoo.
Hindi naging madali ang pag-uusap, ayon sa alkalde—may luha, may mahabang katahimikan, at mga salitang puno ng bigat. Ngunit sa halip na hayaang manaig ang poot, pinili ng dalawang pamilya na pakinggan ang isa’t isa, kilalanin ang pagkukulang, at tanggapin ang masakit na katotohanang walang tunay na panalo sa trahedyang ito.
Sa huli, tinuldukan ang hidwaan hindi dahil nakalimutan ang nangyari, kundi dahil napagtanto ng magkabilang panig na ang patuloy na alitan ay wala nang maidudulot na kabutihan. Ang kapatawaran ay hindi naging madali at ang mga sugat ay hindi agad gumaling—ngunit ito ang naging unang hakbang tungo sa katahimikan ng loob.
Ang pangyayaring ito ayon sa lakal na pamahalan ay nagsisilbing paalala anjila sa kahalagahan ng komunikasyon, pag-unawa, at agarang paghingi ng tulong sa oras ng problema. Higit sa lahat, ayon sa LGU ay isa anila itong kwento ng dalawang pamilyang, sa gitna ng matinding pagkawala, ay piniling yakapin ang kapayapaan kaysa ipagpatuloy ang pagdurusa.



Comments