2 umano’y gun runner na patungong Maguindanao ang naaresto sa Camarines Norte nang mapigil ang kanilang sasakyan at natagpuan ang isang baril at iba pang parte ng M16 rifle
- Teddy Borja
- 3 hours ago
- 2 min read
iMINDSPH

Sa ikinasang intelligence-driven operation, arestado ang isang alyas “Sau” at alyas “Nor”, alas 8:30 ng umaga, araw ng Miyerkules, October 8 sa Barangay Tabugon, Sta. Elena, Camarines Norte.
Ayon sa awtoridad, nakatanggap sila ng report mula sa HPG Special Operations Group hinggil sa dalawang lalaki na sakay ng isang puting Mitsubishi Strada na umano’y nagdadala ng mga bahagi ng baril mula Maynila patungong Maguindanao, at inaasahang dadaan sa Sorsogon Port.
Sa agarang aksyon, pumwesto ang mga operatiba sa national highway ng nasabing barangay at matagumpay na pinatigil ang nasabing sasakyan.
Sa isinagawang routine inspection, napag-alamang delinquent ang rehistro ng sasakyan at expired na ang lisensya ng driver.
Habang sinusuri ang chassis number, napansin ng isa sa mga operatiba ang kahina-hinalang built-in na compartment sa bandang likurang kanang bahagi ng sasakyan.
Sa masusing pag-inspeksyon, nadiskubre ang ilang hindi rehistradong bahagi ng baril, kabilang ang upper at lower receiver ng M16A1 rifle, barrel ng M16A1, isang 9mm na pistola na walang serial number, isang magasin na walang bala, at front sight para sa M16 rifle
Ang dalawang suspek ay agad na inaresto sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Kasalukuyan nasa kustodiya ng pulisya ang mga ito habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila.
Ang operasyon ay resulta ng koordinadong pagkilos ng Special Operating Group ng Highway Patrol Group (HPG), Provincial Highway Patrol Teams ng Camarines Norte at Camarines Sur, Sta. Elena Municipal Police Station, Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR), at National Capital Region Police Office (NCRPO).
Pinuri ni PBGen Nestor Babagay Jr., Regional Director ng PRO 5, ang pinagsanib na pwersa ng mga operatiba sa kanilang mabilis na koordinasyon at aksyon na nagresulta sa matagumpay na pagkakaaresto ng mga suspek.
Comments