top of page

₱20.7-M HALAGA NG DROGA Ang nasamsam sa sunod-sunod na operasyon ng PNP sa loob ng 24 oras; Mga Most Wanted Persons, arestado

  • Mar 3
  • 2 min read

iMINDSPH



Mahigit ₱20.7 million na halaga ng ilegal na droga ang nasamsam sa magkakasunod na operasyon ng Philippine National Police sa loob lamang ng 24 oras.


Mula alas-8 ng umaga ng Pebrero 28 hanggang alas-8 ng umaga ng Marso 1, 2026, naaresto ang walong Most Wanted Persons sa iba’t ibang lalawigan.


Kabilang dito ang Top 1 Most Wanted sa Surigao del Sur na nahaharap sa 4 counts of rape na walang inirekomendang piyansa; Top 3 MWP sa Rizal para sa acts of lasciviousness; Top 4 MWP sa Tarlac dahil sa paglabag sa Republic Act 9165; dalawang Top 7 MWP sa Davao City at Zamboanga del Norte para sa kasong rape at murder; at Top 9 MWP sa Batangas para rin sa rape. Dalawa pang regional-listed MWP ang nadakip sa Laguna at Quezon para sa sexual assault at murder.


Lahat ng mga akusado ay naaresto sa bisa ng warrant of arrest at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya.


Kasabay nito, pinaigting din ang anti-drug operations sa iba’t ibang lugar. Sa Parañaque City, naaresto ang isang High-Value Individual na may dalang tinatayang 520 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱3.5 million. Isa pang HVI ang nadakip sa Iloilo City na may 150 gramo ng shabu na tinatayang ₱1.02 million ang halaga.


Sa Taytay, Rizal, limang suspek kabilang ang isang HVI ang nahuli sa joint operation na nagresulta sa pagkakasamsam ng humigit-kumulang 500 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱3.4 million, habang isang kasamahan ang patuloy na pinaghahanap.


Sa Lanao del Sur naman, tatlong HVI ang naaresto na may kabuuang 388 gramo ng shabu na tinatayang ₱2.63 million ang halaga.


Samantala, sa marijuana eradication operations sa Benguet at Ilocos Sur, binunot at winasak ang mahigit 20,800 fully grown marijuana plants at 50,000 gramo ng tuyong dahon na may kabuuang halagang higit ₱10.16 million.


Sa kabuuan, sampung drug personalities ang naaresto—anim na High-Value Individuals at apat na Street-Level Individuals—at nakumpiska ang humigit-kumulang 1,558 gramo ng shabu at malalaking plantasyon ng marijuana na may kabuuang standard drug price na ₱20.7 million.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page