200 KABABAIHAN, PINAGTIBAY ANG KABUHAYAN sa Maguindanao del Sur sa pamamagitan ng iba’t ibang programa at serbisyo sa health, social protection services, financial assistance at savings program hatid
- 3 hours ago
- 2 min read
iMINDSPH

Umabot sa hindi bababa sa 200 kababaihan mula sa 12 women’s organizations sa iba’t ibang bayan sa Maguindanao del Sur ang nagtipon para sa Culmination Program ng Women’s Month Celebration 2026, na pinangunahan ng provincial government sa pamamagitan ng Gender and Development (GAD) Office.
Isinagawa ang programa sa ilalim ng pamumuno ni Provincial GAD Focal Person Bailaga Butuan, na may temang “Lead Like the Babaylan, Filipinas,” na nagbibigay-diin sa lakas, katatagan, at liderato ng kababaihan sa paghubog ng inklusibo at empowered na mga komunidad.
Tampok sa aktibidad ang “Konsulta Package” Forum na naglalayong palawakin ang kaalaman ng kababaihan sa serbisyong pampinansyal at serbisyong panlipunan mula sa pamahalaan.
Pinangunahan ito nina Reina Alba Parcón ng PhilHealth–Buluan at Teodocia Pelle ng Land Bank of the Philippines–Buluan, habang nagsilbing moderator si Bai Fajjar Mokamad, RSW.
Tinalakay sa forum ang iba’t ibang programa at serbisyong maaaring mapakinabangan ng kababaihan, kabilang ang benepisyong pangkalusugan, social protection services, financial assistance, savings programs, at mga oportunidad sa kabuhayan.
Layunin nitong matulungan ang mga kababaihan—lalo na ang mga negosyante, organisasyon, at kooperatiba—na mapalakas ang kanilang kakayahang pang-ekonomiya at aktibong makilahok sa pagpapaunlad ng kanilang komunidad.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Provincial Administrator Datu Nur-Ali Midtimbang ang mga kalahok na magpatuloy sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng tiyaga at determinasyon, habang binigyang-diin ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na pagsisikap tungo sa inklusibong kaunlaran.
Samantala, muling pinagtibay ni PPDC Head EnP Nulfarid Ampatuan ang pangako ng pamahalaang panlalawigan na isulong ang gender equality at tiyaking mananatiling bahagi ng pagpaplano sa kaunlaran ang boses ng kababaihan.
Dumalo rin sa programa ang iba’t ibang kinatawan mula sa mga ahensya at tanggapan ng pamahalaan at stakeholder groups, na nagpapakita ng matibay na ugnayan at pagtutulungan sa pagsusulong ng women empowerment sa lalawigan.
Bilang pagtatapos, namahagi ng mga sertipiko, tig-10 kilo ng bigas sa bawat kalahok, at isinagawa ang turnover ng mga makinarya sa ilalim ng Pepedtayan Livelihood Program. Itinuturing itong mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng partisipasyon ng kababaihan sa ekonomiya at sa kanilang kakayahang mamuno sa kani-kanilang komunidad.



Comments