₱27-M Shabu, nasabat sa NAIA-3! mula sa isang Australian national na agad na inaresto ng awtoridad
- Feb 23
- 1 min read
iMINDSPH

Mahigit ₱27 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 matapos maharang ang isang Australian passenger na nagtangkang magpasok ng ilegal na droga sa bansa.
Ayon sa report ng PNP, ang nasabing Australian national ay nahulihan ng tinatayang 4,008 gramo ng puting crystal substance na pinaniniwalaang methamphetamine hydrochloride o shabu.
Nagsimula ang operasyon nang mapansin ng Customs X-ray inspector ang kahina-hinalang imahe sa isang itim na backpack habang dumadaan ito sa X-ray machine sa Customs International Arrival Area. Agad na inalerto ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group.
Kinumpirma ng K9 unit ng PDEA ang presensya ng ilegal na droga matapos mag-alerto ang narcotics detection dog.
Sa masusing inspeksyon, nadiskubre ang dalawang improvised wooden boxes na nakabalot sa colored paper at nakatago sa loob ng backpack. Nagpositibo sa shabu ang isinagawang field test gamit ang Raman spectrometer.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng NAIA-IADITG Operations Center ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Mahaharap ang dayuhan sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



Comments