3 Barangay sa Datu Salibo, tinututukan ng provincial government ng Maguindanao del Sur para sa Zero Open Defecation Compliance
- Feb 19
- 1 min read
iMINDSPH

Ipinagpatuloy ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur, sa ilalim ng pamumuno ni Datu Ali Midtimbang, ang pagpapatupad ng mga programang nakapaloob sa GIVE-HEART development thrust, sa pamamagitan ng mas pinaigting na kampanya para sa kalinisan at pampublikong kalusugan.
Kaugnay nito, nagsagawa ng consultative meeting at assessment ang pamahalaang panlalawigan hinggil sa Zero Open Defecation (ZOD) compliance para sa tatlong natitirang barangay sa Datu Salibo—Sambulawan, Butilen, at Pagatin. Layunin ng aktibidad na tiyakin ang pagsunod ng mga barangay sa mga pamantayan ng ligtas at maayos na sanitasyon bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng sanitation programs sa lalawigan.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, mahalaga ang ZOD certification upang maisulong ang wastong gawi sa kalinisan, maiwasan ang pagkalat ng waterborne at sanitation-related diseases, at mapangalagaan ang kalusugan ng komunidad.
Matapos ang coordination meeting, nagsagawa ng field visit ang WaSH Team sa pangunguna ni Provincial WaSH Focal Rasul Ryan Siaman mula sa Office of the Provincial Planning and Development Coordinator. Sinuri ng grupo ang kasalukuyang kondisyon ng sanitasyon sa komunidad, tinukoy ang mga angkop na lokasyon para sa mga pasilidad, at inalam ang kinakailangang resources at interbensyon upang matugunan ang pangangailangan ng mga residente.
Sa pakikipagtulungan ng Local Government Unit (LGU), Rural Health Unit (RHU), at Integrated Provincial Health Office, patuloy na ipatutupad ang mga kinakailangang hakbang upang matugunan ang mga kakulangan sa sanitasyon at gabayan ang mga barangay tungo sa ganap na Zero Open Defecation compliance.
Binigyang-diin ng pamahalaang panlalawigan na ang pagkakaroon ng maayos na sanitasyon ay mahalagang bahagi ng mas malawak na layunin ng lalawigan na mapanatili ang malusog, ligtas, at maunlad na komunidad.



Comments