top of page

3 indibidwal, arestado sa 24-hour PNP operations sa iba’t ibang panig ng bansa; ₱14.82M halaga ng ilegal na droga at puslit na produkto, nakumpiska

  • Teddy Borja
  • Jan 21
  • 1 min read

iMINDSPH


Tatlong indibidwal ang naaresto habang mahigit ₱14.82 milyon halaga ng ilegal na droga at mga kontrabando ang nasamsam ng awtoridad sa loob lamang ng 24 hours na sunod-sunod na operasyon sa iba’t ibang panig ng bansa.


Nakumpiska ng Philippine National Police ang halos ₱14.82 milyon halaga ng mga ipinagbabawal na droga at kontrabando sa loob lamang ng isang araw sa pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga at smuggling.


Sa Aparri, Cagayan, isang 60-anyos na lalaki ang naaresto matapos makuhanan ng 510 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang humigit-kumulang ₱3.47 milyon, sa isinagawang operasyon.


Samantala, sa Tacadang, Kibungan, Benguet, nadiskubre at winasak ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at PDEA ang anim (6) na taniman ng marijuana na may kabuuang lawak na mahigit 1,050 square meters, kung saan mahigit 7,500 fully grown marijuana plants at 800 seedlings na nagkakahalaga ng mahigit ₱1.5 milyon ang nawasak.


Natuklasan rin ang tatlumpung (30) taniman ng marijuana sa Brgy. Licungan, Sugpon, Ilocos Sur, na naglalaman ng mahigit 108,000 fully grown plants at higit 100,000 seedlings, na may tinatayang halagang ₱4.8 milyon.


Samantala, sa Nueva Vizcaya, dalawang indibidwal ang naaresto matapos masabat sa isang checkpoint sa Dalton Pass ang mga puslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱5 milyon. Nakumpiska ng mga awtoridad ang 251 kahon ng RGD cigarettes at 20 kahon ng Mighty cigarettes sa isinagawang operasyon ng pulisya.


Sa kabuuan, tatlong (3) indibidwal ang naaresto at halos ₱14.82 milyon halaga ng ilegal na droga at smuggled goods ang nasamsam sa loob ng 24 oras.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page