top of page

33 MILF commanders at members, inisyuhan ng Safe Conduct Passes ng National Amnesty Commission; 60 bagong amnesty application, natanggap ng NAC mula sa MILF

  • Jan 22
  • 2 min read

iMINDSPH


Patuloy na inilalapit ng pamahalaan ang programa ng amnestiya sa mga dating combatants, kasabay ng pagpapatibay ng tiwala at proseso ng kapayapaan sa Mindanao.


A-16 ng Enero, matagumpay na isinagawa ng Local Amnesty Board Cagayan de Oro ang ikalawang cycle ng Amnesty Caravan sa Camp Bilal Bin Rabbah, Munai, Lanao del Norte, sa paanyaya ni Abdullah “Bravo” Macapaar.


Isinagawa ang aktibidad sa pakikipag-ugnayan ng Department of the Interior and Local Government Region 10 at DILG Lanao del Norte, katuwang ang Nonviolent Peaceforce.


Layunin ng Amnesty Caravan na ilapit sa mga benepisyaryo ang programa ng National Amnesty Commission sa pamamagitan ng onsite application intake, information dissemination, at tulong sa mga kwalipikadong aplikante.


Ayon kay MP Abdullah “Commander Bravo” Macapaar, ang pag-isyu ng Safe Conduct Passes o SCPs sa 33 MILF commanders at members na nag-apply noong Hunyo 11, 2025 ay nagsilbing inspirasyon upang mas marami pang dating kasapi ang lumahok sa programa at mag-apply para sa amnestiya.


Sa ikalawang caravan, nakatanggap ang LAB Cagayan de Oro ng 60 bagong amnesty applications mula sa MILF, karamihan ay mula sa mga base commanders sa Lanao del Norte at Lanao del Sur.


Ipinapakita nito ayon sa NAC, ang lumalaking tiwala ng mga dating combatants sa programa ng pamahalaan at ang kanilang kahandaang pormal na magbalik-loob sa lipunan sa ilalim ng balangkas ng kapayapaan, katarungan, at pagkakasundo.


Kasabay nito, pinangunahan din ng LAB CDO ang pamamahagi ng mga natitirang SCPs para sa mga MILF combatants na nag-apply noong unang cycle ng Amnesty Caravan—patunay ng tuloy-tuloy at episyenteng pagpapatupad ng proseso ng amnestiya.


Dumalo sa aktibidad si Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Carlito Galvez Jr., na binigyang-diin ang papel ng amnestiya bilang mahalagang instrumento ng social healing at pambansang pagkakasundo.


Batay sa pinakahuling datos, umabot na sa 7,379 ang kabuuang amnesty applications na natanggap ng National Amnesty Commission. Nangunguna pa rin ang dating mga kasapi ng CPP–NPA–NDF na may 5,884 applications. Sumusunod ang MILF na may 991, MNLF na may 412, at RPM/P-RPA-ABB na may 92 aplikante.


Ipinapakita ng tagumpay ng Amnesty Caravans ayon sa NAC, ang kahalagahan ng inter-agency coordination at grassroots approach sa epektibong pagpapatupad ng pambansang programa ng amnestiya—lalo na ngayong papalapit na ang pagtatapos ng application period.


Nanatiling committed ang National Amnesty Commission, mga Local Amnesty Boards, at kanilang mga katuwang na ahensya sa pagpapalawak ng outreach initiatives upang maisulong ang adyenda ng kapayapaan ng pamahalaan.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page