top of page

4 MSMEs sa Lanao del Sur, sinuri ng MOST para sa technology upgrading support

  • Jan 21
  • 1 min read

iMINDSPH


Sumailalim sa technical evaluation ang apat na MSMEs sa lalawigan ng Lanao del Sur matapos magsagawa ng assessment ang Ministry of Science and Technology o MOST, sa pamamagitan ng Regional Technical Evaluation Committee o RTEC, katuwang ang Provincial Science and Technology Center–Lanao del Sur, noong Enero 12 hanggang 14, 2025.


Layunin ng aktibidad na suriin ang kahandaan ng mga piling kooperatiba bilang mga target na benepisyaryo ng mga science and technology interventions para sa taong 2027, na inaasahang magpapataas ng kanilang produktibidad, kahusayan, at pangmatagalang sustainability.


Kabilang sa mga sinuring kooperatiba ang Masaganang Farmers Agricultural Cooperative, prodyuser ng banana chips sa Brgy. Raya, Guimba; Al Sahara Producer Cooperative, na gumagawa ng taro chips sa kaparehong barangay; Gacap Farmers Producer Cooperative, kilala sa paggawa ng strawberry jam sa Brgy. Gacap, Piagapo; at Pabali Producer’s Cooperative, na gumagawa naman ng pineapple jam sa Brgy. Pangalapan, Ditsa-an Ramain.


Sa isinagawang ebalwasyon, sinuri ng RTEC ang production processes, umiiral na kagamitan, at organizational systems ng mga kooperatiba. Nagbigay rin sila ng rekomendasyon para sa angkop na science and technology interventions upang mapalakas ang operasyon ng mga ito at matiyak ang pagsunod sa food safety at halal standards.


Ang mga kooperatibang ito ay posibleng maging benepisyaryo ng Technology Transfer and Commercialization Program at Bangsamoro Empowerment through Science and Technology Program, na nagbibigay ng suporta tulad ng technology training, equipment upgrading, tulong sa FDA licensing, at product packaging at labeling.


 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page