4 na ilegal na baril, nasamsam sa buy-bust sa Davao de Oro; 2 gun runner, arestado
- Teddy Borja
- Jan 30
- 1 min read
iMINDSPH

Dalawang umano’y gun runner ang naaresto ng Philippine National Police matapos masabat ang isang ilegal na transaksyon ng loose firearms sa isang buy-bust operation sa lalawigan.
Arestado ang dalawang lalaking suspek na sangkot umano sa ilegal na bentahan ng baril sa Barangay Tambongon, Pantukan, Davao de Oro.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang apat na loose firearms, kabilang ang isang caliber 5.56 Hydra-Matic M16A1 rifle at tatlong caliber .45 pistols na kinabibilangan ng Remington, STI Cat Custom, at Colt MK IV. Nasamsam din ang mga magasin, live ammunition, at isang government-issued vehicle na ginamit umano sa pagdadala ng mga baril.
Ayon sa pulisya, ang dalawang suspek ay parehong nasa legal na edad at residente ng Barangay La Union, San Isidro, Davao Oriental. Nabigo umano silang magpakita ng permit, lisensya, o awtoridad para sa pagmamay-ari at pagbebenta ng mga baril. Tinatayang nasa ₱280,000 ang halaga ng mga nasamsam na armas.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanila.
Ang operasyon ay pinangunahan ng CIDG Davao del Norte Provincial Field Unit sa ilalim ng OPLAN Paglalansag OMEGA, katuwang ang PNP Special Action Force at mga territorial police units.



Comments