406 case managers, social welfare assistants at social welfare officers, kalahok sa isinagawang technical assistance hinggil sa Enhanced Social Welfare and Development Indicator o eSWDI Tool
- Jan 21
- 2 min read
iMINDSPH

Nagsagawa ang Maguindanao Provincial Operations Office ng Technical Assistance on the Enhanced Social Welfare and Development Indicator o eSWDI Tool noong Enero 19, 2026 sa City Mall Convention Hall, Cotabato City.
Dinaluhan ito ng 406 kalahok, kabilang ang 298 Case Managers, 102 Social Welfare Assistants, at apat na Social Welfare Officers III, sa pangunguna ng Provincial Link na si Joemar Manunggal.
Layunin ng aktibidad na palakasin ang kakayahan ng mga social worker sa mas epektibo, episyente, at makabuluhang pagpapatupad ng case management—lalo na para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps sa rehiyong Bangsamoro.
Tinalakay rin ang paggamit ng Enhanced SWDI Tool upang masuri ang kalagayang panlipunan at pangkabuhayan ng mga benepisyaryo batay sa mahahalagang indikador tulad ng kita, edukasyon, kalusugan, pabahay, at access sa mga batayang serbisyo ng pamahalaan. Nakatutulong ang eSWDI sa pagtukoy ng mga pamilyang higit na nangangailangan ng tulong, paggabay sa pagbuo ng angkop na interbensyon, at pagsubaybay sa mga pagbabagong nagaganap sa kanilang kalagayan.
Ang SWDI ay isang mahalagang case management tool na sumusukat at sumusubaybay sa antas ng pamumuhay ng mga sambahayang benepisyaryo ng 4Ps. Samantala, ang Enhanced SWDI ay mas pinalawak at digitized na bersyon nito na gumagamit ng online na pamamaraan upang pabilisin ang pangangalap at pagsusumite ng datos.
Batay sa datos ng 4Ps Regional Program Management Office Case Management Unit, may 178,271 SWDI targets para sa 2025 sa buong BARMM, kung saan 153,834 na ang naitala sa SWDI Information System—katumbas ng 96.75 porsyento na accomplishment.
Ayon kay Manunggal, mahalagang ma-equip ang mga Case Managers sa Enhanced SWDI upang maisakatuparan ang case management nang mas epektibo at mas maayos para sa mga target na benepisyaryo.



Comments