top of page

₱6.17M na halaga ng iligal na droga na umano'y mula California, USA, nasabat ng awtoridad

  • Jan 26
  • 1 min read

iMINDSPH


Mahigit ₱6.17M na halaga ng iligal na droga mula sa California, USA, ang nasabat ng awtoridad sa Clark Freeport Zone sa Pampanga.


Bandang alas-otso ng umaga, January 23, 2026, isang kahina-hinalang parcel ang na-flag ng Bureau of Customs examiners sa X-ray screening sa Cargo Area ng Clark Freeport Zone.


Agad rumesponde ang Clark Inter-Agency Drug Interdiction Task Group na binubuo ng PNP, PDEA Clark, at General Aviation Police Station AVSEU-3. Sa tulong ng isang Narcotic Detection Dog, kinumpirma ng PDEA ang presensya ng hinihinalang iligal na droga.


Sa isinagawang inspeksyon at imbentaryo bandang alas-onse y medya ng umaga, natuklasan sa loob ng parcel na idineklarang “polyester rug runner” ang tatlong malalaking itim na plastic bags na naglalaman ng siyam na transparent plastic packs ng hinihinalang hybrid cannabis kush.


Ang kabuuang timbang ng nasabat na droga ay umabot sa 4,110 grams, na may tinatayang halaga na ₱6,165,500.00.


Ang parcel ay ipinadala noong January 14, 2026 mula sa Lake Avenue, California, USA, at naka-consign sa isang pribadong indibidwal sa San Mateo, Rizal.


Isinailalim na sa confirmatory laboratory examination ng PDEA ang mga sample ng droga.


Matapos ang inspeksyon, muling isinelyo ang parcel at ibinalik sa kustodiya ng Bureau of Customs habang isinasagawa ang karagdagang imbestigasyon.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page