6 resolusyon na tumutugon sa mga isyung pangkalusugan, kabilang ang mas pinalawak na access sa healthcare, disease prevention, at nutrisyon, aprubado na ng Committee on Health ng BTA Parliament
- Diane Hora
- Aug 6
- 1 min read
iMINDSPH

Anim na resolusyon na tumutugon sa mga isyung pangkalusugan, kabilang ang mas pinalawak na access sa healthcare, disease prevention, at nutrisyon, ang inaprubahan ng Bangsamoro Parliament’s Committee on Health, araw ng Martes, August 5, 2025.
Kabilang sa mga pinagtibay na resolusyon ang panawagan para sa imbestigasyon sa kasalukuyang kalagayan ng mga kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa rehiyon.
Ayon kay Alyssa Baraguir, HIV Program Coordinator ng Ministry of Health (MOH), patuloy na nagseserbisyo ang mga kasalukuyang treatment hubs para sa mga apektadong indibidwal, at inaasahang magkakaroon ng mas maraming treatment centers sa iba pang mga probinsya ng BARMM.
Isang hiwalay na resolusyon naman ang nananawagan sa MOH na palakasin ang mga hakbang kontra dengue, lalo na’t tumataas ang mga kaso ngayong panahon ng tag-ulan.
Binigyang suporta rin ng komite ang mas matibay na pakikipag-ugnayan sa Philippine Multi-Sectoral Nutrition Project (PMNP) upang labanan ang malnutrisyon at stunting sa mga batang Bangsamoro. Kasabay nito, nanawagan ang mga mambabatas para sa mas epektibong implementasyon ng nutrition care process sa parehong pampubliko at pribadong mga ospital sa rehiyon.
Sa isyu ng mental health, ipinanawagan ng komite ang mas malawak na publikong kaalaman sa National Center for Mental Health crisis hotline at sa helpline ng BARMM.
Sa isa pang resolusyon, hinikayat ng komite ang Ministry of Health at PhilHealth-BARMM na palakasin ang promosyon ng Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta) program, na nagbibigay ng libreng access sa essential primary care services para sa mga rehistradong miyembro.
Ang mga pinagtibay na resolusyon ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Bangsamoro Parliament na isulong ang komprehensibong serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng mamamayan sa rehiyon.



Comments