69 wanted persons, arestado; P1.8M halaga ng suspected shabu at P1.4M smuggled cigarettes ang nasamsam sa 1 araw na SACLEO
- Teddy Borja
- Oct 15
- 2 min read
iMINDSPH

Bilang bahagi ng patuloy na kampanya para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon ng SOCCSKSARGEN, matagumpay na nagsagawa ang Police Regional Office 12 (PRO 12) ng isang araw na malawakang Regionwide Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) sa pamumuno ni PBGEN Arnold Ardiente.
Ikinasa ito, araw ng Martes Oktubre 14, 2025, mula 12:01 ng umaga hanggang 11:59 ng gabi.
Sa magkakahiwalay na operasyon, arestado ang kabuuang 69 na wanted persons, kabilang ang 14 na Most Wanted sa Regional Level, 7 sa Provincial Level, 9 sa City/Municipal Level, at 39 pang iba na may kasong kinahaharap. Sa mga operasyong ito, malaki ang ibinawas sa presensya ng mga kriminal sa rehiyon.
Sa kampanya laban sa ilegal na droga, 40 anti-drug operations ang ikinasa na nagresulta sa pagkakaaresto ng 37 drug personalities at pagkakasamsam ng humigit-kumulang 265.65 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang ₱1,806,386.00.
Narekober din ang dalawang gadget at ₱10,000 na buy-bust money bilang non-drug evidence.
Ang lahat ng nakumpiskang droga ay isinumite na sa Regional Forensic Unit 12 para sa pagsusuri.
Sa kampanya kontra smuggling, 6 na anti-smuggling operations ang isinagawa kung saan 7 suspek ang naaresto at nasamsam ang 1,006 reams at 221 pakete ng smuggled cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng ₱1,408,434.56.
Sa loose firearms
Nagsagawa rin ng 44 operasyon laban sa mga hindi lisensyadong armas, kung saan 6 katao ang naaresto at 46 iba’t ibang klase ng baril ang nakumpiska, isinuko, o isinailalim sa safekeeping.
Kabilang dito ang 6 na nakumpiskang small arms, 32 na boluntaryong isinukong baril, at 8 na ini-deposito para sa safekeeping — bahagi ng patuloy na kampanya ng PNP laban sa karahasang may kinalaman sa baril.
Pinuri ni PBGEN Ardiente ang lahat ng mga operatiba sa kanilang dedikasyon, disiplina, at propesyonalismo, gayundin ang suporta ng komunidad na naging susi sa tagumpay ng operasyon.



Comments