top of page

₱70.8M halaga ng marijuana kush, nasamsam ng awtoridad sa Tawi-Tawi, Malaysian national at dating SK chairman, arestado

  • Jan 27
  • 2 min read

iMINDSPH


Umabot sa ₱70.8 milyong halaga ng hinihinalang marijuana kush ang nasamsam ng mga awtoridad matapos ang isang buy-bust operation sa Bongao, Tawi-Tawi na ikinaaresto ng isang Malaysian national at isang dating Sangguniang Kabataan (SK) chairman, ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency–BARMM (PDEA-BARMM).


Isinagawa ang operasyon madaling araw ng Lunes,Enero 26, 2026 sa Beachside Hotel, Barangay Pasiagan, sa pangunguna ng PDEA-BARMM Tawi-Tawi Provincial Office, katuwang ang Marine Battalion Landing Team-4, Tawi-Tawi Provincial Police Office, Bongao Municipal Police Station, PDEA Provincial Drug Enforcement Unit–TTPO, at ang 51st Special Action Company ng PNP-SAF.


Kinilala ng PDEA-BARMM, ang mga naaresto sa alyas na “Chomen”, at si alyas “Jerry,” na isang dating SK chairman ng Barangay Tubig-Boh.


Nakumpiska sa operasyon ang iba’t ibang uri ng marijuana na may kabuuang tinatayang halaga na ₱70,800,000, kabilang apat (4) na vacuum-sealed transparent plastic bags ng pinatuyong marijuana kush na may tinatayang bigat na isang (1) kilo (object of sale); isang daan tatlumpu’t lima (135) na vacuum-sealed transparent plastic bags na naglalaman ng ganap na pinatuyong marijuana stalks at dahon na may fruiting tops, na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 33.75 kilo (possession); at limampu (50) na vacuum-sealed transparent plastic bags ng pinatuyong marijuana kush na may tinatayang bigat na 25 kilo.


Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bongao Municipal Police Station ang mga suspek at naghihintay ng inquest proceedings dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


Muling iginiit ng PDEA-BARMM ang kanilang mahigpit na paninindigan na palakasin pa ang kampanya laban sa iligal na droga sa pamamagitan ng mas pinaigting na koordinasyon sa iba’t ibang law enforcement agencies, upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga komunidad sa rehiyong Bangsamoro.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page