₱720,000 halaga ng puslit na sigarilyo, nasamsam sa Bukidnon Border Control Point
- Jan 13
- 1 min read
iMINDSPH

Isang indibidwal ang inaresto matapos makumpiska ng mga awtoridad ang tinatayang ₱720,000 na halaga ng pinaniniwalaang puslit na sigarilyo sa isang border control point sa lalawigan.
Pinara ng mga awtoridad ang isang commuter van na mula Quezon, Bukidnon patungong Kapalong, Davao del Norte. Sa isinagawang visual inspection, namataan sa loob ng sasakyan ang ilang master cases ng sigarilyo na walang kaukulang government health warning stickers.
Nabigo ang driver, na kinilalang si alyas “Rob”, 37-anyos, na makapagpakita ng mga kinakailangang dokumento, dahilan upang siya ay agad na arestuhin.
Nakumpiska sa operasyon ang 18 master cases ng smuggled cigarettes na may tinatayang halagang ₱720,000, pati na ang ginamit na commuter van.
Ayon sa imbestigasyon, matagal nang sangkot ang suspek sa ilegal na bentahan ng sigarilyo at umano’y nagsusuplay ng kontrabando sa iba’t ibang lugar sa Davao del Norte bago masabat sa Bukidnon border control point.
Ang suspek at ang mga nasamsam na ebidensya ay dinala sa San Fernando Municipal Police Station para sa wastong dokumentasyon, at ang mga sigarilyo ay itinurn-over sa Bureau of Customs–Tagoloan para sa kaukulang disposisyon.
Isinagawa ang joint checkpoint operation ng 1003rd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 10, katuwang ang Bukidnon Provincial Intelligence Unit at San Fernando Municipal Police Station, sa Regional Border Control Point sa Barangay Kalagangan.



Comments