top of page

₱8.9M halaga ng puslit na sigarilyo, nakumpiska; 2 sa mga suspek, dating miyembro ng PNP na itinuturing na AWOL

  • Jan 23
  • 1 min read

iMINDSPH


Nasamsam ng awtoridad ang tinatayang ₱8.9 milyong halaga ng puslit na sigarilyo sa isang malawakang anti-smuggling operation.


Sa isinagawang search warrant alas-3:37 ng madaling araw, January 22, nakumpiska ang daan-daang kahon ng pinaniniwalaang puslit na sigarilyo.


Pinangunahan ng Regional Police Drug Enforcement Unit 12 ang operasyon, kasama ang Regional Intelligence Division, Regional Mobile Force Battalion, Lebak Municipal Police Station, at BOC 12, kaugnay sa paglabag sa Republic Act 9165 at Republic Act 10591.


Sa mga isinagawang search, nadiskubre ang mga puslit na sigarilyo sa mga tirahan ng mga indibidwal na kilala sa mga alyas na “Chong” at “Yash”, mga dating miyembro ng PNP na itinuturing na AWOL. Kapwa wala ang mga ito sa lugar at patuloy pang tinutugis ng awtoridad.


Mula naman sa tirahan ni alias “Chong”, narekober ang 86 na kahon ng iba’t ibang brand ng sigarilyo na nagkakahalaga ng mahigit ₱3.6 milyon. Samantala, sa bahay ni alias “Yash”, nasamsam ang 123 kahon ng puslit na sigarilyo na may tinatayang halagang ₱5.2 milyon.


Sa kabuuan, 209 na kahon ng assorted smuggled cigarettes ang nasamsam, na may halagang ₱8,934,750, ayon sa pagtataya ng Bureau of Customs.


Negatibo naman ang resulta ng search operations sa mga tirahan ng mga alyas na “Al” at “Aman”, matapos walang makuhang ilegal na kontrabando.


Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng RPDEU 12 ang mga nakumpiskang sigarilyo at ihahanda ang turnover sa Bureau of Customs, habang patuloy ang imbestigasyon at pagtugis sa mga suspek.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page