9 na dating miyembro ng local terrorist group ang sumuko sa 90th IB bitbit ang kanilang mga baril
- Teddy Borja
- May 29
- 1 min read
iMINDSPH

Siyam na dating miyembro ng lokal na teroristang grupo ang pormal na nagbalik-loob sa pamahalaan at tumanggap ng tulong pangkabuhayan araw ng Miyerkules, May 28, 2025 sa 90th Infantry “Bigkis-Lahi” Battalion, Barangay Kabengi, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.

Ayon kay Lt. Col. Loqui Marco, Battalion Commander ng 90IB, bukod sa livelihood program, tumanggap din ang mga dating ekstremistang miyembro ng cash assistance at tig-isang sako ng bigas mula sa mga lokal na pamahalaan ng Maguindanao del Sur at DOLE Region XII.

Iprinesinta ni Lt. Col. Marco ang mga dating violent extremist kay Brig. Gen. Edgar Catu, pinuno ng 601st Brigade sa isang maikling seremonya, kung saan sabay na isinuko ng mga ito ang kanilang mga kagamitang pandigma.

Kabilang sa mga ito ang isang M4 rifle, dalawang M14 rifle, isang M16 rifle, dalawang cal. 50 beret, isang M203 grenade launcher, isang M1 Garand rifle, at isang M79 grenade launcher.

Ayon kay Engr. Carrasco, sasailalim sa livelihood program ang mga dating miyembro ng extremist group sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD Project ng DOLE XII.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Brig. Gen. Catu sa suporta ng mga lokal na ahensya ng pamahalaan at mga mamamayan sa kampanya laban sa loose firearms at pagbabalik-loob ng mga dating rebelde. Samantala, ayon kay Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6ID at JTFC na ang pagbabalik-loob ng siyam ay patunay na may pag-asa sa kapayapaan at pagbabago.



Comments