Ang Bangsamoro Political Settlement ayon sa joint statement ng CCA at IAG; Corruption crisis sa loob ng BARMM government, ikinabahala rin CCA at IAG
- Feb 26
- 3 min read
iMINDSPH

Naglabas ng joint statement ang Climate Conflict Action o CCA at ang Institute for Autonomy and Governance o IAG hinggil sa Bangsamoro political crisis.
Sinabi ng CCA at AIG na nasa bingit ng pagbagsak ang Bangsamoro Political Settlement.
Anila, mabilis na pagkawala ng tiwala ng magkabilang partido. Inaatake umano ang pagasa ng mga pagtataksil mula sa magkabilang panig. Sa loob ng wala pang isang taon, ang dating hidwaan sa pagitan ng Estado at mga Non-State actors ay napalitan ng matinding bangayan sa loob ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at sa pagitan nito at ng pamahalaan.
Isang linggo lang ang nakalipas, inilantad umano ng MILF ang mga bitak sa hanay ng kanilang mga pangunahing lider at ang lumalalim na tensyon sa pagitan ng kanilang mga armed combatants.
Kasabay nito, lumilitaw din umano ang mga bitak sa peace implementing table, kung saan magkaharap ang mga kinatawan ng gobyerno at MILF. Ang dating kooperasyon ay napapalitan ng komprontasyon, habang unti-unting naglalaho ang mga nakamit na tagumpay sa nakalipas na dekada sa harap mismo ng mga may-akda at tagapagtanggol ng kasunduan.
Ang masaklap, dagdag pa ng grupo, tila ipinahiwatig na ng nakaraang labindalawang buwan ang pagdating ng krisis na ito sa mga handang makinig. Nagbabala na umano ang CCAA at IAG halos isang taon na ang nakalipas tungkol sa lumalawak na horizontal conflict, kabilang ang sagupaan ng magkakaribal na armadong grupo sa loob ng MILF at ang muling pag-usbong ng marahas na ekstremismo.
Itinuro ng grupo na ang pagtaas ng karahasan sa naudlot na decommissioning, pagdami ng ilegal na armas, pagkakatigil ng political transition, at ang anila’y kabiguan ng dalawang partido na kilalanin ang mga structural at institutional na kahinaan sa kasunduang pangkapayapaan at ng marupok na mekanismong sumusuporta anila rito.
Unang tinukoy sa joint statment na nananatili umano sa “vegetative state” ang normalization agreement sa loob ng mahigit isang taon at halos walang paggalaw ang proseso ng decommissioning ng mga mandirigma at kanilang mga armas.
Ito anila ay pangunahing dulot ng unilateral na pagsuspinde ng MILF sa decommissioning at ang kanilang panawagan na sabayan ito ng gobyerno sa pagbuwag ng mga pribadong hukbo. Bagama’t nararapat itong pagtuunan ng seryosong atensyon ng magkabilang panig, wala anila sa kasunduan ang nagbibigay ng pahintulot sa isang panig na magdeklara ng moratorium. Kung ito umano ang susundin, maaaring hindi maabot ang exit agreement sa loob ng susunod na dekada o higit pa.
Pangalawang tinukoy ng CCA at IAG ay ang anila’y mahinang rekord ng normalization at kabiguang maipatupad ang decommissioning, sampung taon matapos lagdaan ang kasunduan at anim na taon matapos maipasa ang organic law, na nagbukas anila ng pinto sa pagpasok ng mas bago at mas sopistikadong mga armas sa rehiyon ng Bangsamoro.
Pangatlong binigyang diin sa joint statement ay ang umano’y kapansin-pansin na pag-usad patungo sa panibagong pagsuspinde ng halalan sa Bangsamoro, na ikinukubli sa mga usapin hinggil sa proseso at iskedyul ng eleksyon.
Batid umano ng CCA at IAG na ang lehitimasyon sa politika ay hindi nakabase sa haba ng panunungkulan kundi sa pasya ng taumbayan sa simula pa lamang. Pero, isinantabi anila ito ng pamahalaan nang pumayag itong ipagpaliban ang parliamentary elections noong 2022 at 2025.
Sa kawalan umano ng eleksyon na magbibigay ng lehitimong mandao, namuno ang MILF sa pamamagitan ng pahintulot ng gobyerno, ngunit hindi na umano ito umiiral ngayon. Nawasak umano ang pahintulot na ito nang anila’y minaniobra ng pamahalaan ang liderato ng BARMM nang walang pagsang-ayon mula sa magkabilang panig.
Dagdag pa rito ayon sa CCA at IAG ay ang krisis sa korapsyon sa loob ng pamahalaang BARMM na hindi na lamang tsismis o alegasyon.
Ang ganitong antas ng korapsyon ay hindi lamang anila kabiguan sa pamamahala kundi tuwirang pag-atake sa mismong proseso ng kapayapaan.
Ayon sa CCA at IAG, kailangang magsagawa ng agarang hakbang upang maibalik ang tiwala ng mga stakeholder at muling buhayin ang pag-asa sa tunay na pagbabago.
Una anila ay panindigan at igalang ang mga kasunduang nakapaloob sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) at Bangsamoro Organic Law (BOL).
Ikalawa, tiyakin umano ang balanse sa pagitan ng kapangyarihan ng Ehekutibo at ng awtonomiya ng BARMM.
Ikatlo, itigil na anila ang anumang tangkang ipagpaliban muli ang parliamentary elections at tiyakin ang malinis at tapat na halalan.
Ikaapat, ayon sa dalawang grupo, palakasin ang mga mekanismo ng kapayapaan at ang kanilang mga tungkulin at pananagutan.
At Ikalima, ay pag-aralan at subukan anila ang iba’t ibang alternatibong hakbang upang tugunan ang problema ng ilegal na armas at kabiguan ng decommissioning.
Umaasa ang CCA at IAG na ang mga rekomendasyong ito ay isasagawa sa diwa ng Ramadan at ng nalalapit na anibersaryo ng CAB, at hindi na lalo pang ilalagay sa panganib ang tiwala at kumpiyansa sa proseso ng kapayapaan.



Comments