BANGSAMORO GOVERNMENT EXECUTIVE-LEGISLATIVE FORUM 2026 Isinagawa ngayong araw kung saan inilatag ang tinatahak na direksyon ng BARMM government at mga isyu at hamon na kinakaharap ng mga LGU
- 7 days ago
- 2 min read
iMINDSPH

Ito ang unang pagkakataon na mailahad ng mga LGU officials nang harapan sa pinakamataas na liderato ng BARMM Government ang mga agarang isyung kinahaharap sa kanilang mga lugar.
Ayon sa mga opisyal, layunin ng forum na magsilbing plataporma upang agad matugunan ang mga kinakaharap na hamon. Nabigyan ng pagkakataon ang mga local leaders na maglahad ng mga isyu, makatanggap ng direktang tugon, at mapabilis ang aksyon ng pamahalaan.
Isa sa mga pangunahing tinalakay ang pagtaas ng presyo ng langis. Sinabi ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua na bumuo na ng isang special task force upang mabawasan ang epekto nito sa mga transport group at mga pamilyang mababa ang kita.
Aniya, inihahanda na ang targeted assistance, price monitoring, at posibleng fuel subsidies para sa agarang pagpapatupad. Kabilang din sa pangmatagalang solusyon ang pag-explore ng lokal na mapagkukunan ng enerhiya at legal na opsyon sa pag-import ng langis.
Binigyang-diin ni Macacua ang kahalagahan ng matibay na ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang maramdaman ng mamamayan ang mga polisiya ng gobyerno, at dapat aniyang maging agarang at tuloy-tuloy ang tugon ng pamahalaan.
Muli rin niyang iginiit ang direksyon ng kanyang administrasyon sa ilalim ng “Mas Matatag na Bangsamoro,” na nakabatay sa limang haligi: Mas Matatag na Gobyerno, Mas Matatag na Kabuhayan, Mas Matatag na Pamayanan, Mas Matatag na Seguridad, at Mas Matatag na Pananampalataya.
Nagpahayag din ng mga concern ang mga lokal na mambabatas hinggil sa mga priority bills, pagpapaunlad ng mga ospital, at pangangasiwa sa mga proyektong imprastraktura, kabilang ang mga update sa iba pang panukalang batas at ang panukalang pagtatatag ng quality control office para sa public works projects.
Samantala, binigyang-diin ni Speaker Yacob ang kahalagahan ng pagtutugma ng mga batas sa pangangailangan ng mga lokal na komunidad, at sinabing nagsisilbing tulay ang forum sa pagitan ng paggawa ng polisiya at implementasyon.
Aniya, nagiging makabuluhan lamang ang mga batas kapag nararamdaman ito sa mga komunidad. Iginiit din niya na prayoridad ang pagkumpleto ng natitirang pangunahing batas—ang Bangsamoro Revenue Code—bago ang unang regular na halalan sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law.
Ayon kay Kahal Kedtag, board member mula sa Maguindanao del Sur, ipinakita ng forum ang aktibong paggampan ng pamahalaan sa antas ng komunidad, at nakatutulong ang direktang diyalogo sa pagpapalakas ng kapayapaan, kaayusan, at serbisyo.
Ang naturang forum ay naglalayong pagtugmain ang prayoridad ng rehiyon at mga lokal na pamahalaan, at nagbigay ng direktang boses sa mga opisyal sa paghubog ng mga polisiya at aksyon ng gobyerno.



Comments