Bangsamoro Parliamentary Districts Law, pirmado na ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua at BTA Speaker Mohammad Yacob
- Jan 21
- 2 min read
iMINDSPH

Nilagdaan nitong Martes, Enero 20, ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua, at BTA Speaker Mohammad Yacob, ang batas na nagtatakda ng mga parliamentary district sa rehiyon—isang hakbang na, ayon kay Macacua, para sa kauna-unahang regular parliamentary elections.
Dumalo rin sa ceremonial signing ang Bangsamoro Wali na si Sheikh Muslim Guiamaden, bilang simbolo ng pagkakaisa ng pamahalaan, lehislatura, at tradisyunal na institusyon ng Bangsamoro.
Bago ang kanyang mensahe, ibinahagi ni Chief Minister Macacua na personal siyang nakatanggap ng mensahe mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nagpaabot ng pagbati at pagsuporta sa mahalagang tagumpay ng Bangsamoro Government.
Ang batas ay nilagdaan bilang Bangsamoro Autonomy Act No. 86, na pormal na nagtatakda ng 32 single-member parliamentary seats sa buong BARMM.
Sa ilalim ng batas, siyam ang itinakdang parliamentary district seats para sa Lanao del Sur, tig-lima sa Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte, tig-apat sa Basilan at Tawi-Tawi, tatlo sa Cotabato City at dalawa sa Special Geographic Area (SGA).
Ayon kay Macacua, mahalaga ang batas upang magkaroon ng malinaw at makatarungang representasyon sa Bangsamoro Parliament. Aniya, kung walang parliamentary districts, nananatiling malabo ang representasyon ng mga mamamayan sa lehislatura. Ipinaliwanag din niya na ang paghati ng mga distrito ay ibinatay sa populasyon, umiiral na political boundaries, heograpikal na magkakadugtong na lugar, at accessibility.
Samantala, sinabi ni Speaker Mohammad Yacob na tinutupad ng batas ang isang konstitusyonal at legal na requirement ng Bangsamoro parliamentary system. Dagdag pa niya, ang malinaw na distrito ay magpapalakas ng accountability, dahil mas tiyak na matutukoy ng mga mamamayan kung sino ang kanilang kinatawan sa Parliament. Matapos ang ceremonial signing, agad na nagpatuloy ang sesyon ng Bangsamoro Parliament, kung saan isinulong sa ikalawang pagbasa ang dalawang mahahalagang panukala—isa ukol sa judicial and legal education, at isa pa na naglalayong i-institutionalize ang development assistance para sa mga Bangsamoro communities sa labas ng BARMM.
Sa parehong sesyon, nanumpa rin sina Suharto Ambolodto at Naguib Sinarimbo bilang mga bagong deputy floor leaders ng Bangsamoro Parliament.
Inanunsyo rin na muling magbubukas ang sesyon ng Parliament sa Enero 26.



Comments