Bangsamoro Peace Process, nasa delikadong sitwasyon umano ayon sa Third Party Monitoring Team of TPMT
- Diane Hora
- Aug 29
- 2 min read
iMINDSPH

Naglabas ng opisyal na pahayag ang TPMT at muling iginiit ang kanilang mandato na bantayan, suriin, at tasahin ang pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) na nilagdaan noong 27 Marso 2014 sa pagitan ng Gobyerno ng Pilipinas (GPH) at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ang CAB ay bunga anila ng mahabang negosasyon na kumikilala sa natatanging pagkakakilanlan ng Bangsamoro at nagtatakda ng adhikain tungo sa isang bagong anyo ng autonomous political entity. Hindi anila masusukat ang kahalagahan ng CAB bilang daan sa pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa timog Pilipinas.
Ayon sa TPMT, ganap na binago ng peace process ang BARMM. Nagkaroon anila ito ng mabisang administrative at legislative structures. Ang kauna-unahang regional elections sa BARMM ngayong Oktubre a-13 ay isa anilang makasaysayang bahagi na kukumpleto sa political track ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB.
Ang matagumpay anila na pagdaos ng halalan ay isang historic milestone para sa Bangsamoro people, isang pagkakataon para maihalal ang first regional parliament.
Sa kabila ng mga tagumpay na ito, nababahala ang TPMT na umabot sa maselang yugto ang Bangsamoro peace process. Bumaba umano ang tiwala sa lahat ng parties, na pinakamababa simula nang lagdaan ang CAB. Lalo pa umano itong lumala nang magpalit ng liderato sa BARMM at ang pagsuspendi sa decommissioning process.
Mahalaga sa kasalukuyan ayon sa TMPT ang muling pagbubuo ng tiwala upang manatiling buhay ang peace process. Ang sama-samang anilang pinagsumikapang layunin na binuo sa loob ng maraming taon ay dapat patuloy na pinagyayaman, hindi lamang sa salita kundi sa pamamagitan ng epektibong kooperasyon at tunay na partnership. Hinihimok ng TPMT ang magkabilang panig na muling magsagawa ng constructive dialogue upang malampasan anila ang kasalukuyang balakid at patatagin ang pangako sa tunay na autonomy ng BARMM.
Bilang positibong hakbang, kinilala ng TPMT ang pahayag ng parehong panig na nananatili silang nakatuon sa pagpapatupad ng CAB. Gayunpaman, kanilang binigyang-diin na dapat nang ituon ang masusing atensyon sa normalization track kung saan marami pang dapat gawin.
Nanawagan ang TPMT sa Peace Implementing Panels na manguna sa tapat at bukas na talakayan upang maresolba ang mga hindi pagkakaunawaan at pagkakaiba ng interpretasyon, at nang maisakatuparan ang kapayapaan tungo sa isang matagumpay na pagtatapos—sa diwa ng partnership at pagtutulungan.



Comments