top of page

Barangay Chairman at CAFGU Member, Patay sa Pamamaril sa Arakan, Cotabato

  • Jan 19
  • 2 min read

iMINDSPH


Bandang alas-diyes y medya ng umaga, araw ng Sabado, Enero 17, 2026, isang tawag sa cellphone ang natanggap ng pulisya mula sa isang residente ng Barangay Malibatuan kaugnay ng umano’y pamamaril sa kahabaan ng Magpet–Arakan Road, Purok New Caridad, Barangay Greenfield, Arakan, Cotabato.


Agad rumesponde ang mga tauhan ng Arakan Police Station sa pangunguna ng kanilang hepe.


Pagdating sa lugar, natagpuan ang dalawang wala nang buhay na biktima na nasa isang kongkretong drainage canal sa gilid ng kalsada.


Kinilala ang mga nasawi na sina Jerry Bondad Prande, 60 taong gulang, may asawa, at Barangay Chairman ng Barangay Malibatuan; at Gemar Caro Prande, nasa wastong gulang, may asawa, miyembro ng CAFGU at residente rin ng nasabing barangay.


Batay sa paunang imbestigasyon, sakay ng isang motorsiklo ang mga biktima at pauwi na sana mula Barangay Doruloman patungong Barangay Malibatuan nang sundan umano sila ng anim na suspek na lulan ng tatlong magkakahiwalay na motorsiklo. Pagdating sa lugar ng insidente, pinaputukan umano ng mga back rider ang mga biktima nang ilang beses, dahilan upang mawalan ng kontrol ang sinasakyang motorsiklo at bumagsak sa drainage canal.


Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Barangay Malibatuan.


Ayon sa awtoridad, nakilala ng mga testigo ang apat sa anim na suspek.


Nagsagawa na ng koordinasyon ang pulisya sa mga kalapit na himpilan para sa hot pursuit at dragnet operations, katuwang ang iba’t ibang yunit ng seguridad. Humingi na rin ng tulong ang istasyon sa Scene of the Crime Operatives o SOCO para sa masusing pagproseso ng crime scene.


Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo sa likod ng krimen at agarang madakip ang mga salarin.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page