top of page

BARMM government, ipinagbawal muna sa loob ng BGC ang running, jogging, walking at pagpasok ng personal at commercial parcel deliveries, kabilang ang food delivery services at private couriers

  • Jan 19
  • 2 min read

iMINDSPH


Nagpatupad ng pansamantalang suspensyon at mga restriksyon ang Bangsamoro Government sa loob ng Bangsamoro Government Center (BGC) bilang bahagi ng paghahanda at pagdiriwang ng 7th Bangsamoro Foundation Day, mula January 19 hanggang January 25, 2026.


Ayon sa advisory, layon ng hakbang na matiyak ang kaligtasan ng publiko, mapanatili ang kaayusan at solemnidad ng mga aktibidad, at maayos na pamahalaan ang inaasahang pagdagsa ng mga bisita at kalahok sa mga opisyal na programa at seremonya sa loob ng BGC.


Sa naturang petsa, mahigpit na ipinagbabawal ang running, jogging, at walking para sa ehersisyo sa loob ng BGC premises. Ipinaliwanag ng pamahalaan na iuuna ang paggamit ng mga pasilidad at open grounds para sa mga opisyal na anibersaryo, parada, at cultural activities kaugnay ng selebrasyon.


Kasama rin sa ipatutupad na patakaran ang pagbabawal sa pagpasok ng personal at commercial parcel deliveries, kabilang ang food delivery services at private couriers. Pinayuhan ang mga empleyado na iiskedyul ang deliveries bago o pagkatapos ng itinakdang petsa, o kaya’y makipag-ayos para sa pick-up sa mga itinalagang lugar sa labas ng BGC gates.


Samantala, pansamantalang hindi papayagang pumasok sa loob ng BGC ang mga motorcycle-for-hire o habal-habal. Tanging mga empleyado ng BGC na may sariling motorsiklo lamang ang pahihintulutang makapasok.


Magpapatupad ng mahigpit na security checkpoints sa lahat ng entrance at exit points ng BGC. Inabisuhan din ang mga motorista na asahan ang mabigat na daloy ng trapiko sa kahabaan ng Governor Gutierrez Avenue at sa loob ng Bangsamoro Government Center. Hiniling sa publiko na sundin ang mga tagubilin ng security personnel at traffic marshals na naka-duty.


Humiling ang Bangsamoro Government ng pang-unawa at kooperasyon ng publiko habang isinasagawa ang mga hakbang na ito bilang bahagi ng pagdiriwang ng isang mahalagang yugto sa kasaysayan ng rehiyon.


Ang 7th Bangsamoro Foundation Day ay itinuturing na simbolo ng patuloy na paglalakbay ng Bangsamoro tungo sa mapayapa, maayos, at progresibong pamahalaan.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page