BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua, isinulong ang mas matatag na direksyon para sa BARMM sa ginanap na MinDA Board meeting
- Diane Hora
- Jan 30
- 2 min read
iMINDSPH

Pinalalakas ng Bangsamoro Government ang papel nito sa pambansang kaunlaran matapos isulong ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua ang mas matatag na direksyon para sa BARMM isang high-level executive session sa pagdalo nito MinDA Board meeting sa Malacañang, araw ng Huwebes, January 29.
Ayon sa opisyal, bahagi ito ng patuloy na pagsisikap na i-align ang development priorities ng Mindanao sa pambansang economic agenda.
Nakatuon ang high-level meeting sa mga strategic discussions hinggil sa direksyon ng kaunlaran ng Mindanao para sa taong 2026 hanggang 2028. Tinalakay dito ang mga bagong oportunidad na nagbukas mula sa kamakailang Qatar at Korea Investment Missions, gayundin ang pagpapalakas ng suporta sa local development sa pamamagitan ng mas malalim na ugnayan sa mga local government units.
Isinagawa ang pagpupulong alinsunod sa hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing pangunahing tagapaghatak ng pambansang kaunlaran ang Mindanao—isang paglago na malinaw, inklusibo, at pangmatagalan ang ambag sa buong bansa.
Nakaangkla ang mga talakayan sa “Building a Better Mindanao Plan 2025–2028,” na nagbibigay-priyoridad sa pagbuo ng mga economic corridors, technological innovation, at socioeconomic resilience upang higit pang patatagin ang papel ng Mindanao bilang major economic contributor ng Pilipinas.
Bilang miyembro ng MinDA Board, binigyang-diin ni Interim Chief Minister Macacua na ang mga direksyong tinalakay ay kaayon ng “Mas Matatag na Kabuhayan” pillar ng kanyang Mas Matatag na Bangsamoro Agenda.
Layunin nitong palakasin ang internal economic capacity ng BARMM sa pamamagitan ng pagpapalago ng Bangsamoro enterprises, pagpapalawak ng access sa finance, at paghahanda sa rehiyon bilang Halal trade hub ng Mindanao at mahalagang economic corridor sa loob ng BIMP-EAGA.
Samantala, nasa Maynila rin ang mga kinatawan ng iba’t ibang ministry ng BARMM para sa mga preparatory engagements kaugnay ng nalalapit na BIMP-EAGA Meeting sa Brunei, kung saan ilalatag ang mga commitment ng Mindanao at BARMM sa BIMP-EAGA Vision 2035.



Comments