Basilan Governor Mujiv Hataman, pinangunahan ang 2026 Local Health Board at Nutrition Council Meeting para tiyaking nasa tamang direksyon ang mga programa sa bakuna, nutrisyon, at blood supply.
- Diane Hora
- 2 days ago
- 1 min read
iMINDSPH

Sa ulat ng Integrated Provincial Health Office, sa pamumuno ni Provincial Health Officer II Sharifa Ann Abbas-Alvarez, naitala na 42 porsiyento ng target na mga bata edad 6 hanggang 59 na buwan ang nabigyan na ng MR SIA vaccine, habang 40 porsiyento naman ang nakatanggap ng Vitamin A—mahahalagang hakbang para sa maagang proteksyon ng kabataan.
Inilatag ang impormasyon sa ginanap na 2026 Local Health Board at Nutrition Council Meeting na pinangunahan ni Governor Mujiv Hataman.
Ibinahagi rin ni Provincial Immunization Coordinator Wymar Ladjiman ang mga hamon at best practices upang mas mapalawak ang saklaw ng immunization at masigurong mas maraming bata ang naaabot ng serbisyo.
Kasama sa napag-usapan ang mas regular na blood collection, pagpapalakas ng BangUn feeding program ng DSWD, at ang mungkahing i-extend ang feeding days mula 180 hanggang 1,000 days—isang kritikal na yugto para sa nutrisyon ng sanggol at bata. Tinalakay rin ang pag-institutionalize ng blood-letting activities at ang pagbuo ng Provincial Blood Council para sa mas maaasahang suplay ng dugo.
Ayon sa gobernador, kapag maaga ang bakuna, sapat ang nutrisyon, at handa ang dugo—mas panatag ang bawat pamilyang Basilenyo. Isang malinaw na hakbang tungo sa mas malusog at mas matatag na Basilan.



Comments