top of page

Basilan Provincial Government, naglabas ng ₱795K Emergency Response para sa mga survivor at naulila sa paglubog ng MV Trisha Kerstin 3

  • Diane Hora
  • Jan 28
  • 2 min read

iMINDSPH



Umabot sa ₱795,205 ang kabuuang tulong na naipaabot ng provincial government ng Basilan sa 145 survivor at apat na pamilyang naulila sa paglubog ng MV Trisha Kerstin 3 base sa tala ng

Provincial Social Welfare and Development Office – Basilan o PSWDO.


Sa pangunguna ni Governor Mujiv Hataman, agad na ipinatupad ng Pamahalaang Panlalawigan ang komprehensibong emergency response sa insidente na naganap madaling-araw ng Lunes sa karagatang malapit sa Isla ng Baluk-baluk, Munisipyo ng Hadji Muhtamad.


Mula Zamboanga City ang barko at patungong Jolo, Sulu nang mangyari ang trahedya.


Bilang paunang ayuda, tumanggap ang bawat survivor ng ₱5,000 cash assistance upang matugunan ang agarang pangangailangan tulad ng pag-uwi, pagproseso ng dokumento, at iba pang gastusing dulot ng trahedya.


Nagkaloob din ang pamahalaang panlalawigan ng ₱10,000 burial assistance sa pamilya ng bawat nasawi, kasabay ng koordinasyon sa mga katuwang na ahensiya upang masigurong maayos at marangal ang pag-aasikaso sa mga naulila.


Pinangunahan ng PSWDO ang koordinasyon at rapid needs assessment ng mga apektado, katuwang ang Isabela City Social Welfare and Development Office at ang Ministry of Social Services and Development – BARMM (MSSD-BARMM), upang mabilis na matukoy ang pangangailangan at maipadaloy ang tulong sa mga response areas.


Bukod sa tulong-pinansyal, nagsagawa rin ang pamahalaang panlalawigan, kasama ang CSWDO Isabela City at MSSD-BARMM, ng malawakang pamamahagi ng relief at support services upang matiyak ang tuloy-tuloy na suporta habang nagpapatuloy ang rescue, retrieval, at post-incident assistance.


Kabilang sa mga agarang naipamahagi ang 130 pirasong T-shirt, 100 pares ng tsinelas, at 350 hot meals para sa mga survivor at responders sa mga itinalagang response areas. Para naman sa mga pasaherong kinailangang i-admit sa mga pagamutan, naglaan ang pamahalaang panlalawigan ng kaukulang pagkain upang masigurong tuloy-tuloy ang suporta sa mga pasyente at kanilang pamilya.


Sa aspeto ng kalusugan at sanitation, namahagi rin ng hygiene kits ang lalawigan sa pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensiya, kabilang ang Integrated Provincial Health Office at MSSD-BARMM.


Para sa food assistance, naipagkaloob ang 200 food boxes na ready-to-eat food packs mula sa Isabela City LGU–CSWDO at MSSD-BARMM bilang dagdag na suporta sa patuloy na relief at early recovery operations. Habang nagpapatuloy ang rescue and retrieval, naglaan din ang Provincial Governor’s Office ng 700 packed meals na ipinamahagi sa mga survivor at responders bilang pagpapalakas sa mga frontliner at agarang sustansiya sa oras ng pangangailangan.


Nagkaloob din si Board Member Amin Hataman ng assorted na “pamatid-gutom at uhaw” na nagkakahalaga ng ₱20,624 bilang karagdagang tulong sa mga nasa response areas na halos hindi na makauwi dahil sa tuloy-tuloy na pagresponde.


Binigyang-diin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Basilan na mananatiling prayoridad ang mabilis, organisado, at makataong pagtugon sa mga sakuna, habang patuloy ang koordinasyon sa mga katuwang na ahensiya upang matiyak na natutugunan ang pangangailangan ng mga survivor at ng mga pamilyang naulila sa trahedya.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page