Blue Ribbon Committee ng BTA Parliament, tinapos na ang pagdinig hinggil sa umano’y anomalous transaction sa MILG matapos hindi sumipot ang complainant sa raklamo
- Diane Hora
- Sep 4
- 1 min read
iMINDSPH

Bumoto ang Blue Ribbon Committee ng Bangsamoro Parliament na tapusin na ang pagdinig hinggil sa reklamong inihain kaugnay ng umano’y anomalya sa isang transaksyon ng Ministry of Interior and Local Government (MILG).
Sa pagdinig, sinabi ng Chairperson, Atty. Rasol Mitmug Jr. na ginawa ng komite ang lahat ng paraan upang makaharap ang nagreklamo, subalit hindi pa rin ito sumipot kahit may koordinasyon na sa mga lokal na pamahalaan.
Batay sa internal rules and procedures ng komite, ang mga reklamo mula sa hindi miyembro ng Parliament ay maaaring tanggapin lamang kung ito ay nakasulat, notaryado, at pirmado sa ibabaw ng nakaimprentang pangalan ng nagrereklamo.
Ayon kay Mitmug, maghahanda sila ng report hinggil sa usapin na isusumite sa plenaryo para sa pinal na aksyon.
Samantala, tinalakay din ng komite ang isyu ng mga naantalang bayad at hindi pa nababayarang billings ng mga suppliers at contractors na nakikipagtransaksyon sa mga ministry ng BARMM.
Pinuri ng komite ang task force na binuo kasunod ng direktiba ni Interim Chief Minister Abdulraof Macacua dahil sa mabilis nitong pagtugon sa delayed payments sa iba’t ibang ministeryo, tanggapan, at ahensya ng Bangsamoro Government.
Plano rin ng komite na ipatawag ang mga kaukulang kawani mula sa bawat ministeryo upang magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon at makalap ang mga rekomendasyon para sa paggawa ng mga polisiya na magsisilbing gabay sa legislation.



Comments