BOSS Ironman Challenge participant, sugatan matapos bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang bus sa Picong, Lanao del Sur
- Diane Hora
- Feb 2
- 1 min read
iMINDSPH

Isang rider ang malubhang nasugatan matapos masangkot sa isang vehicular accident ang sinasakyang motorsiklo at isang pampasaherong bus sa Narciso Ramos Highway, malapit sa Picong Tunnel, Barangay Biosong, Picong, Lanao del Sur, umaga ng Enero 31, 2026.
Batay sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente bandang 9:10 a.m. at kinasangkutan ng isang BMW 1200cc motorcycle na minamaneho ni Pacito Tugado Aceberos, 48 years old, residente ng General Santos City, at isang Rural Tours bus na may Bus No. 10914 at Plate No. DAZ 5968 na minamaneho ni Carrilo R. Jemar, 36-anyos.
Ayon sa paunang imbestigasyon, ang motorsiklo ay kabilang sa mga kalahok ng BOSS Ironman Challenge at bumibiyahe mula General Santos City patungong Dipolog City. Pagdating sa lugar ng insidente, umano’y lumagpas sa kanyang linya ang motorsiklo at sumalpok nang harapan sa paparating na bus.
Agad rumesponde ang Picong Municipal Police Station katuwang ang mga tauhan ng Binidayan MPS, upang beripikahin ang insidente at magsagawa ng traffic investigation. Dinala ang sugatang rider sa Sultan Naga Dimaporo Provincial Hospital para sa agarang gamutan, sa tulong ng mga rumespondeng pulis.



Comments