top of page

BTA Deputy Floor Leader Atty. Naguib Sinarimbo, nagpaabot ng pakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay sa paglubog ng MV Trisha Kerstin 3; may pananagutan dapat umanong managot ng buong-b

  • Diane Hora
  • Jan 30
  • 2 min read

iMINDSPH


Nagpaabot ng taos-pusong pakikiramay si BTA Deputy Floor Leader Atty. Naguib Sinarimbo sa mga pamilya at mahal sa buhay ng mga nasawi sa paglubog ng pampasaherong barko ng Aleson Shipping Lines na M/V Trisha Kerstin sa karagatang sakop ng Basilan.


Ayon kay MP Sinarimbo, hindi lamang mga buhay ang nawala sa trahedya, kundi pati ang kapanatagan ng mga pasaherong naiwan sa laot ng ilang oras—nasa panganib, walang katiyakan, at kumakapit sa pag-asang sila’y maliligtas.


Giit ng mambabatas, ang kaligtasan ay hindi awtomatikong nagbubura ng trauma, at para sa maraming pamilya, ang sugat na iniwan ng trahedyang ito ay hindi aniya kayang pagalingin ng mga salita lamang.


Tinukoy ng mambabatas ang insidente na isang human tragedy na humihingi ng hustisya at pananagutan. Aniya, kung nalalagay sa panganib ang mga pasahero sa kabila ng inaasahang ligtas na kondisyon, at kung ang rescue operations ay tila kinulang sa agarang aksyon at koordinasyon, kinakailangang magtanong at managot ang mga may pananagutan.


Binigyang-diin ni MP Sinarimbo na ang mga responsable sa kaligtasan ng mga sasakyang-dagat, sa pagpapatupad ng maritime regulations, at sa maayos na rescue operations ay dapat panagutin. Dagdag pa niya, ang pagkamatay ng mga pasahero kahit sa kalmadong kondisyon ng dagat ay malinaw na indikasyon ng posibleng pagkukulang sa operasyon, kapabayaan sa regulasyon, o negligence.


Pinaliwanag din niya na ang pananagutan ay hindi simpleng pagtuturo ng sisi, kundi isang paraan ng pagbibigay-galang sa mga nasawi at pagprotekta sa mga buhay na naiwan.


Malugod ang naging pagtanggap ni MP Sinarimbo sa naging desisyon ng Department of Transportation na suspendihin ang permit ng nasabing barko, na aniya’y malinaw na mensahe na ang kaligtasan ay dapat laging mangibabaw.


Gayunman, kinilala rin niya ang seryosong epekto nito sa daloy ng mga kalakal, mahahalagang serbisyo, at biyahe ng mga tao sa mga isla.


Kaugnay nito, nanawagan siya sa Pamahalaang Bangsamoro, sa pamamagitan ng Ministry of Transportation and Communications, na magsagawa ng agarang at angkop na hakbang upang mabawasan ang abala sa inter-island mobility, habang tinitiyak pa rin ang kaligtasan ng publiko.


Sa huli, iginiit ni MP Sinarimbo na ang maritime transport ay nagsisilbing lifeline ng Mindanao at ng mga komunidad sa isla. Kapag ito’y nabigo, aniya, hindi sapat ang pakikiramay.


Hindi aniya sapat ang pagluluksa, kundi pagkilos, hustisya, reporma at katiyakang hindi na dapat maulit ang trahedya.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page