Bukidnon Representative, nababahala sa naitalang aksidente na iniuugnay sa ginanap na 2025 BOSS Ironman Motorcycle Challenge sa Mindanao
- Diane Hora
- 5 days ago
- 1 min read
iMINDSPH

Nagpahayag ng matinding pagkabahala si Bukidnon Representative Jonathan Keith Flores sa naitalang mga aksidente na iniuugnay sa ginanap na 2025 BOSS Ironman Motorcycle Challenge sa Mindanao ayon sa ibinahaging impormasyon ng Radyo Pilipinas.
Ayon sa mambabatas, isinagawa ang endurance event sa mga pampublikong kalsada na naglantad sa panganib ang buhay ng mga motorista, pedestrian, at residente sa mga dinaanang komunidad.
Ibinunyag ni Flores na kabilang sa mga nasawi ang isang pitong taong gulang na bata ayon sa report.
Tinukoy rin niya ang mga ulat ng overspeeding, counterflowing, at paglabag sa traffic rules ng ilang kalahok na nagdulot ng seryosong aksidente.
Inalala ng kongresista na noong 2024 hearing ng House Committee on Transportation ay humingi ng paumanhin ang BOSS President na si Joseph Tan at nagpahayag ng pagnanais na suspindihin ang endurance challenge, dagdag pa sa report.
Ito ay kasunod ng datos ng PNP–Highway Patrol Group na nagtala ng 25 road crash incidents sa Luzon at Mindanao legs ng event noong 2024.
Dahil dito, nanawagan si Flores ng pananagutan at masusing pagrepaso kung dapat pang pahintulutan ang BOSS Ironman sa kasalukuyang format upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.



Comments