BYC Chair Nasserudin Dunding, hinikayat ang mga kabataan na ipagpatuloy ang mapayapa at demokratikong pakikibaka ng mga Bangsamoro
- Diane Hora
- Oct 28
- 1 min read
iMINDSPH

Dumalo ang mga anak ng Mujahideen mula sa M!LF Camps Abubakar at Rajahmuda at MNLF Camp Maton Lumanggal sa isinagawang Capacity Development Training sa ilalim ng Comprehensive Youth Transformation Program ng Bangsamoro Youth Commissioner sa Cotabato City, araw ng Lunes, October 27 hanggang October 30.
Sa mensahe ni BYC Chairperson Nasserudin Dunding, hinikayat nito ang mga anak ng mga mujahideen na ipagpatuloy ang mapayapa at demokratikong pakikibaka ng mga Bangsamoro sa pamamagitan ng kapayapaan, edukasyon at malasakit sa komunidad.
Aniya ang kasalukuyang yugto ng Bangsamoro struggle ay “hindi na labanan ng armas, kundi labanan ng isipan.”
Binibigyang-diin nito na ang tagumpay ng kapayapaan ay nangangailangan ng karunungan, pagtitiyaga at katatagan upang mapanatili ang mga nakamit na bunga ng kapayapaan at kaunlaran.
Hinikayat din niya ang kabataan na maging tagapagtaguyod ng kapayapaan, pagtuunan ng pansin ang conflict resolution at gamitin ang kanilang mga natutunan upang patatagin ang pagkakaisa sa kanilang mga komunidad.
Dagdag din ni Dunding ang kahalagahan ng pagbuo at pagrerehistro ng mga youth organizations, dahil ito ay nagsisilbing daan upang makamit ng mga kabataan ang suporta ng pamahalaan.
Aniya, ang aktibong partisipasyon ng kabataan ay mahalagang susi sa mga tagumpay ng Bangsamoro region at magpapatuloy itong maging haligi sa pagpapanatili ng mga ito.
Layunin ng programa na palakasin ang leadership, advocacy at organizational skills ng mga kabataan, bilang bahagi ng Comprehensive Youth Transformation Program ng BYC.



Comments