top of page

COMELEC, Election Watchdogs nagbigay ng input sa isinusulong na panukalang pag amyenda sa Bangsamoro Electoral Code

  • Jan 19
  • 2 min read

iMINDSPH


Isinagawa ang patalakay sa usapin, araw ng Linggo, Enero a-18, sa isang roundtable discussion na ipinatawag ng Bangsamoro Parliament sa pamamagitan ng Committee on Amendments, Revision, and Codification of Laws o CARCL.


Inimbitahan ng komite ang iba’t ibang stakeholders upang magbigay ng komento at rekomendasyon sa mga panukalang pagbabago.


Kabilang sa mga tinalakay ang Parliament Bill No. 419, na naglalaman ng mga reporma sa electoral framework tulad ng pagbabago sa requirements sa party formation, mga probisyon sa gender representation, minimum vote thresholds, at certification procedures para sa sectoral representatives.


Samantala, isang hiwalay na panukala naman ang Parliament Bill No. 396—na naglalayong alisin ang “None of the Above” o NOTA option sa mga opisyal na balota.


Kinatawan ni COMELEC Chair George Garcia, sinabi ni Atty. Tonette Rivera na mahalagang isaalang-alang ang implementasyon ng mga iminungkahing amyenda, lalo na ang pagkakahanay ng legal reforms sa aktuwal na paghahanda para sa halalan, lalo’t nakatakda ang mga botohan sa loob ng taon.


Ibinahagi naman ni Ona Caritos, Executive Director ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE), na may potensyal ang mga panukalang pagbabago na palawakin ang partisipasyon sa pulitika sa pamamagitan ng pagbibigay-daan sa mas maraming organisasyon na makilahok sa proseso. Iminungkahi rin niya ang isang phased approach sa party formation thresholds upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga umuusbong na grupo na patatagin ang kanilang organisasyon.


Dagdag pa ni Caritos, mahalaga ring maglatag ng mga sapat na safeguard upang matiyak na ang mga babaeng nominado ay may patas na pagkakataong manalo at makakuha ng puwesto sa Bangsamoro Parliament.


Ayon kay Sittie Fahanie Uy-Oyod, Chairperson ng CARCL, ang lahat ng input mula sa COMELEC officials, accredited election watchdogs, at mga public consultations ay pagsasama-samahin at masusing rerepasuhin sa nakatakdang committee deliberations ngayong araw, January 19.


Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na layunin ng Bangsamoro Parliament na tiyaking ang mga batas sa halalan ay inklusibo, makatarungan, at handa para sa aktuwal na implementasyon, lalo na sa nalalapit na mga eleksyon sa rehiyon.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page