Customs Memorandum Circular (CMC) No. 13-2026 ng Bureau of Customs (BOC), kinikilala ang Operational Guidelines ng MTIT-BARMM para sa kalakalan sa mga karatig bansang myembro ng BIMP-EAGA
- Diane Hora
- Jan 30
- 2 min read
iMINDSPH

Ngayong kinikilala na ang Operational Guidelines ng MTIT-BARMM para sa kalakalan sa mga karatig bansang myembro ng Brunei-Indonesia-Malaysia-Philippines East Asean Growth Area o BIMP-EAGA, sa pamamagitan ng inilabas na Customs Memorandum Circular (CMC) No. 13-2026 ng Bureau of Customs o BOC, inaasahan umano na mas dadami at bibilis pa ang cross-border trade sa BARMM.
Sa ibinahaging impormasyon ng Office of the Chief Minister- Strategic Communications, sinabi
Ministry of Trade, Investments, and Tourism (MTIT) Minister Farserina Mohammad-Isnaji, na ang bagong sirkular ay nagbibigay-daan upang ang mga dating informal traders ay makapagparehistro nang legal sa pamamagitan ng MTIT, sa halip na dumaan pa sa mahahabang proseso sa labas ng BARMM.
Dahil dito, inaasahang mapapadali ang paglahok ng maliliit na mangangalakal, partikular sa mga border area gaya ng Tawi-Tawi, sa pormal na cross-border trade.
Bago lumabas ang bagong alituntunin, ang kawalan ng lokal na kinikilalang mekanismo ng pagpaparehistro ay nagdudulot ng pagkaantala at dagdag gastos sa mga mangangalakal.
Halimbawa umano, ang mga trader mula sa Tawi-Tawi ay kinakailangang bumiyahe pa patungong Zamboanga City, kung saan matatagpuan ang mga National Government Agencies tulad ng Bureau of Quarantine (BOQ), upang makumpleto ang mga kinakailangang dokumento.
Sa ilalim ng CMC No. 13-2026, mas malinaw umano na ang proseso, mas mabilis ang pagproseso ng dokumento sa pamamagitan ng MTIT-BARMM, at mas tiyak ang legal na katayuan ng mga kalahok sa kalakalan, na inaasahang magpapadali sa operasyon at maghihikayat ng mas aktibong cross-border trade.
Dahil sa mas mabisa at mas accessible na sistema, inaasahang mahihikayat ang mas maraming mangangalakal na pumasok sa pormal na ekonomiya, na magreresulta sa mas aktibong kalakalan, mas maayos na daloy ng produkto, at mas matibay na ugnayang pang-ekonomiya ng BARMM sa mga karatig-merkado ng BIMP-EAGA.
Ayon sa impormasyon, itinuturing ng MTIT na ang hakbang na ito ay mahalagang pundasyon sa pagpapalakas ng lokal na kabuhayan at sa pagpoposisyon ng BARMM bilang isang lumalakas na sentro ng cross-border trade sa Southeast Asia.



Comments