Dagdag bigas, food packs at sleeping kits, ipinadala ng BARMM government sa mga pamilyang nasunugan sa Tawi-Tawi
- Diane Hora
- 18 hours ago
- 1 min read
iMINDSPH

Ayon sa Ministry of Social Services and Development - BARMM, nakahanda na ang food at non-food items na unti-unti nang ipinapadala para agad matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong pamilya, partikular ang pagkain at pansamantalang tuluyan.
Araw ng Lunes, Pebrero 9, 2026, naihatid ang unang batch ng relief assistance sa Tawi-Tawi sa tulong ng Philippine Air Force, gamit ang isang C-130 aircraft. Kabilang sa agarang tulong na natanggap ng mga biktima ang 150 sako ng bigas, 150 family food packs, at 600 sleeping kits—mga pangunahing pangangailangan ng mga pamilyang pansamantalang nanunuluyan sa evacuation areas.
Sinabi ng MSSD na ang ipinadalang tulong ay bahagi lamang ng mas malawak na assistance package na nakalaan para sa mga nasunugan. Sa kabuuan, nakahanda ang 1,000 sako ng bigas, 1,000 family food packs, 1,000 sleeping kits, 1,000 cooking kits, 1,000 water kits, 1,000 dignity kits, at 200 infant kits upang masigurong natutugunan hindi lamang ang gutom kundi pati ang kalinisan, kalusugan, at dignidad ng mga apektadong pamilya—lalo na ang kababaihan at mga sanggol.
Ang bigas na ipinapamahagi ay mula sa World Food Programme, sa suporta ng Government of Korea, bilang bahagi ng patuloy na humanitarian partnership para sa mga komunidad na tinatamaan ng sakuna sa Bangsamoro.
Patuloy naman ang koordinasyon ng MSSD upang maayos ang iba pang paraan ng transportasyon para sa natitirang relief items, lalo na sa mga lugar na mahirap maabot. Tiniyak ng ahensya na tuloy-tuloy ang paghahatid ng tulong hanggang sa makabangon ang lahat ng pamilyang naapektuhan ng sunog sa Tawi-Tawi.



Comments