top of page

Digital system na gumagamit ng blockchain technology upang itala ang lahat ng financial transactions mula sa budget allocation hanggang sa pagkumpleto ng proyekto, isinusulong sa BTA Parliament

  • Jan 20
  • 2 min read

iMINDSPH


Ipinresenta para sa first reading sa Bangsamoro Parliament ang Parliament Bill No. 427 o ang Amanah Chain (A-CHAIN) Act, na inakda ni Member of Parliament Jaafar Apollo Mikhail Matalam.


Ayon kay Matalam, ang A-CHAIN ay idinisenyo upang mapabuti ang project monitoring at mapalakas ang public trust sa Bangsamoro governance, alinsunod sa prinsipyo ng Amanah—ang pananagutan at tiwalang ipinagkakaloob sa mga opisyal ng pamahalaan sa maayos at matalinong pamamahala ng pondo ng bayan.


Gumagamit ang A-CHAIN ng blockchain technology, isang secure at tamper-proof na digital ledger, upang itala ang lahat ng financial transactions mula sa budget allocation hanggang sa pagkumpleto ng proyekto.


Layunin nitong tugunan ang mga paulit-ulit na isyu sa financial management gaya ng hiwa-hiwalay na sistema, delayed reporting, at limitadong access ng publiko sa impormasyon.


Sa ilalim ng panukala, oobligahin ang lahat ng ministries, agencies, at local government units sa BARMM na i-record sa isang secure online system ang kanilang financial transactions, project milestones, at procurement activities, upang masiguro na ang bawat pisong ginagastos ay nasusubaybayan mula umpisa hanggang audit.


Nakasaad din sa panukala na ang mga hindi kumpidensyal na financial records ay magiging bukas sa publiko sa pamamagitan ng isang online portal, na magbibigay-daan sa mga mamamayan, researchers, at civil society groups na i-monitor ang mga proyekto at gastusin ng pamahalaan nang real time.


Isa rin sa mga tampok ng A-CHAIN ang tinatawag na Smart Amanah Contracts—mga automated protocols na awtomatikong maglalabas ng pondo o magti-trigger ng procurement kapag natupad ang itinakdang requirements.


Magsisilbing validator nodes ang Bangsamoro Treasury Office, Commission on Audit–BARMM, at piling accredited universities o civil society organizations upang tiyakin ang beripikasyon at seguridad ng mga transaksyon laban sa anumang manipulasyon.


Kabilang pa sa mga pangunahing feature ng sistema ang immutable records ng lahat ng financial at procurement transactions, kumpletong audit trails, integrasyon sa regional at national systems, matibay na cybersecurity safeguards, at pagsunod sa mga prinsipyo ng Islamic governance.


Iminumungkahi rin sa panukala ang isang pilot phase na ipatutupad muna sa piling ministries, isang lalawigan, at isang lungsod o munisipalidad bago ang full regional rollout. Ang pondo para sa implementasyon ay magmumula sa Bangsamoro budget, block grants, Special Development Fund, at iba pang legal na mapagkukunan.


Ang panukalang batas ay co-authored nina MP Hashemi Dilangalen, Hatimil Hassan, Don Mustapha Loong, Nurredha Misuari, Tawakal Midtimbang, Muhammad Nadzir Ebil, at Romeo Sema.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page