Drug Den sa Tawi-Tawi, binuwag; maintainer at 2 kasabwat arestado, 2 indibidwal nasagip
- 2 days ago
- 2 min read
iMINDSPH

Tatlo ang arestado at dalawa ang nasagip sa buy-bust operation ng PDEA BARMM. Binuwag din ng PDEA ang drug den sa lugar
Ang mga naaresto ay kinilalang sina alias Mohammad, na itinuturing na drug den maintainer kasama sina alias Erning at alias Ammil.
Ikinasa ang operasyon, araw ng Linggo, Pebrero 8, 2026 sa Barangay Tubig Indangan, Laa Island, Simunul, Tawi-Tawi.
Nasamsam sa operasyon ang apat (4) na heat-sealed transparent plastic sachets at dalawampu’t limang (25) piraso ng plastic straws na naglalaman ng hinihinalang Methamphetamine Hydrochloride o shabu, na may kabuuang tinatayang bigat na 15 gramo at standard value na ₱183,600.00.
Bukod sa ilegal na droga, narekober din ang ilang non-drug evidence kabilang ang isang (1) .45 caliber pistol, isang (1) Android cellular phone, isang identification card na pagmamay-ari ni alias Mohammad, at iba’t ibang drug paraphernalia na ginagamit umano sa ilegal na kalakalan ng droga.
Pansamantalang nakapiit ang mga ito sa Bongao Municipal Police Station habang hinihintay ang inquest proceedings kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, sa kasagsagan ng operasyon ay dalawang indibidwal din ang nasagip ng mga awtoridad. Ayon sa ulat, ang mga ito ay ipapasa sa Municipal Social Services and Development (MSSD) at sa mga kaukulang opisyal ng barangay upang mabigyan ng tamang pangangalaga at intervention.
Binuwag sa isinagawang joint buy-bust operation ang drug den sa lugar. Katuwang ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Tawi-Tawi Provincial Office, ang Marine Battalion Landing Team-4 (MBLT-4).
Patuloy namang nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng mga komunidad, lalo na sa mga lalawigan sa rehiyon.



Comments