Dumalo si ICM Abdulraof Macacua sa ipinatawag na high-level coordination meeting ng OPAPRU bilang bahagi ng masusing assessment sa security situation sa rehiyon bago ang kauna-unahang Bangsamoro
- Diane Hora
- 2 days ago
- 1 min read
iMINDSPH

Nakiisa ang BARMM Government, sa pangunguna ni Interim Chief Minister Abdulraof Macacua, sa high-level security coordination meeting ng OPAPRU sa Camp Siongco, 6th Infantry Division, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, bilang bahagi ng masusing pagsusuri sa kalagayan ng seguridad sa rehiyon bago ang kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections.
Pinangunahan ang pagtitipon ni Secretary Carlito Galvez Jr., sa kanyang kapasidad bilang CORDS for BARMM, na naglatag ng pangkalahatang direksiyon sa koordinasyon ng pamahalaan, sektor ng seguridad, at mga peace partners upang mapangalagaan ang mga tagumpay ng proseso ng kapayapaan sa gitna ng mahalagang demokratikong pagsubok.
Binigyang-diin sa pulong na sa usapin ng seguridad, hindi lamang plano at deployment ang sukatan ng kahandaan, kundi higit sa lahat ang kumpiyansa ng mamamayan na sila ay makakaboto nang malaya, ligtas, at walang takot.
Ayon sa mga lumahok, ang kumpiyansang ito ay nabubuo sa pamamagitan ng malinaw na koordinasyon, presensya sa komunidad, at pagkakaisa ng lahat ng institusyon.
Nakibahagi rin sa pagpupulong ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at iba pang katuwang na ahensya, na sama-samang nagtalakay ng mga hakbang upang matiyak ang maayos, mapayapa, at kapani-paniwalang halalan sa Bangsamoro.
Ayon sa Bangsamoro Government, nakapagbibigay ng katiyakan ang ganitong antas ng bukas na dayalogo at pagtutulungan, na nagsisilbing pananggalang sa kapayapaan at demokrasya sa rehiyon.
Sa pagtatapos ng pulong, muling pinagtibay ng Bangsamoro Government ang patuloy nitong pakikilahok at pagbabantay, alinsunod sa prinsipyo ng moral governance, upang pangalagaan ang mga komunidad, igalang ang integridad ng halalan, at ihatid ang Bangsamoro tungo sa panibagong yugto ng demokratikong sariling pamamahala para sa isang #MasMatatagNaBangsamoro.



Comments