TWG hinggil sa Sulu transition, nagharap at isinapinal ang mahalagang administrative at funding arrangement para sa isang people-centered transition sa lalawigan
- Diane Hora
- 11 minutes ago
- 2 min read
iMINDSPH

Pinagtibay ng National Government at ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang kanilang pangako na mapayapa, orderly, at people-centered transition para sa probinsya ng Sulu, kasunod ng isinagawang pulong ng Technical Working Group (TWG) hinggil sa Sulu Transition, araw ng Miyerkules, February 4 2026 para isapinal ang mahalagang administrative at funding arrangements.
Isinagawa ang pulong alinsunod sa Executive Order No. 91, s. 2025, na nagde-deklara sa Sulu bilang bahagi ng Zamboanga Peninsula. Umikot ang diskusyon hinggil sa bridging governance at funding arrangements upang tiyakin na ang pagbibigay ng serbisyo lalo na sa edukasyon at social protection ay mananatiling stable, predictable, at uninterrupted sa buong transition.
Ginanap ito sa Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), kung saan isa sa mga nanguna ay si DBM Secretary Rolando Toledo at MILG Deputy Minister Eddie Alih, kasama si Sulu Vice Governor Abdusakur Tan bilang kinatawan ng Provincial Government.
Mahalagang resulta ng pulong ang matatag na kasunduan na protektahan ang sektor ng edukasyon sa Sulu sa transition period.
Nangako ang BARMM government na akuin ang sweldo ng basic education personnel sa Sulu para sa fiscal year 2026, na may administrative supervision na magkatuwang na pangangasiwaan sa pagitan ng Department of Education (DepEd).
Magbibigay naman ang pamahalaan sa pamamagitan ng DepEd ng Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE upang tiyakin ang patuloy na operasyon ng mga paaralan.
Mag-iisyu ng joint memorandum ang MBHTE, DepEd at Commission on Higher Education (CHED) para sa mas malinaw na shared supervision ng mga paaralan sa Sulu.
Isusumite naman ang sweldo at benefits requirements ng Schools Division Office ng Sulu, LAPAK, at Hadji Butu School of Arts and Trades sa MBHTE-BARMM. Ang mga apektadong personnel ay patuloy na magrereport sa BARMM hanggang sa matapos ang transition.
Upang maiwasan ang pagka antala ng essential social services, napagkasunduan ng TWG na ang mga personnel ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa Sulu ay mananatili sa supervision ng MSSD-BARMM hanggang sa makapaglikha ng bagong posisyon
Upang matiyak na protektado ang karapatan at kapakanan ng mga empleyado, magbibigay ang
Civil Service Commission ng technical inputs sa draft Joint Memorandum Circular na inihahanda ng Department of the Interior and Local Government, DBM, Bangsamoro Attorney General’s Office, at ng Ministry of Finance, and Budget and Management.
Aktibong nakilahok sa diskusyon ang mga kinatawan ng National Government agencies at BARMM ministries at binigyang diin ang matibay na “whole-of-government” approach na naka angkla sa koordinasyon, clarity, at compassion.
Binigyang diin ni DBM Secretary Rolando Toledo na ang transition ng Sulu ay iginagabay hindi lamang sa pamamagitan ng administrative convenience, kundi ng realidad aniya ng mga guro, mag-aaral, public servants at pamilya na apektado at nakadepende ang pang-araw-araw na buhay sa tuloy-tuloy na serbisyo ng gobyerno.
Sinang-ayunan naman ito ni MILG Deputy Minister Eddie Alih. Ayon sa ospiyal, ang transition ay isinasagawa ng may lubos na pag-iingat upang protektahan ang serbisyo at mga taong maghahatid nito.



Comments