Estado ng mga proyekto at programa sa ilalim ng Joint Task Forces on Camps Transformation, hinimay sa ginanap na executive meeting
- Diane Hora
- Sep 5
- 2 min read
iMINDSPH

Hinimay ng Joint Task Forces on Camps Transformation ang estado ng mga proyekto at programa sa ilalim ng Camps Transformation agenda sa ginanap na executive meeting ng mga co-chairs sa lungsod ng Cotabato.
Isinagawa ito, araw ng Martes, Setyembre 2, 2025 sa Cotabato City.
Pinangunahan nina Retired LtGen Danilo Pamonag, Deputy Speaker MP Engr. Baintan Adil-Ampatuan, at MP Ali “Maestro Celes” Salik ang pagpupulong, kasama ang kani-kanilang JTFCT Secretariat.
Dumalo rin sa pulong si Alicia Raymundo, Program Manager ng Socioeconomic Development Unit (SDU), at Engr. Bryan Arevalo, Deputy Head ng SDU, na nagbigay ng karagdagang pananaw at suporta sa talakayan.
Inilatag sa pulong ang update sa kasalukuyang estado ng mga programa at proyekto sa ilalim ng Camps Transformation agenda. Tinalakay ang direktiba ng MILF Central Committee noong Agosto 16, 2025 at sinuri ang mga coordination protocols at mga susunod na intervention.
Binigyang diin ni Pamonag ang kahalagahan ng mas matibay na Monitoring and Evaluation (M&E) system upang mapabilis ang implementasyon, maiwasan ang duplikasyon, at maisulong ang evidence-based planning.
Iginiit naman ni MILF Co-Chair MP Ali Salik ang pangangailangan ng bilateral collaboration at joint implementation para sa mas maayos at magkakaugnay na pagbibigay-serbisyo sa mga kampo.
Hinimok ni GPH Co-Chair MP Engr. Baintan Adil-Ampatuan ang pagiging bukas, pagkakaisa, at kolektibong pagtutulungan upang mapanatili ang pangako sa pagbabago ng anim na kinikilalang kampo ng MILF, sa kabila ng mga hamon.
Muling pinagtibay ng JTFCT ang kanilang commitment sa transparent, inclusive, at coordinated implementation ng Camps Transformation Program, na nakabatay sa joint planning at community-centered development.
Sa pamamagitan ng mga napagkasunduang hakbang at nakahanay na aktibidad, nananatiling nakatuon ang JTFCT sa pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan at makabuluhang pagbabago sa anim na dating kinikilalang kampo ng MILF.



Comments