Explosive Components, nasamsam matapos isilbi ng awtoridad ang search warrant sa isang lugar sa Barangay Saripinang, Bagumbayan, Sultan Kudarat
- Feb 23
- 1 min read
iMINDSPH

Nasamsam ng mga awtoridad ang iba’t ibang sangkap ng pampasabog matapos magsilbi ng search warrant sa isang lugar sa Barangay sa Saripinang.
Ipinatupad ng mga operatiba ng Bagumbayan Municipal Police Station, ang search warrant, araw ng Biyernes, February 20 kung saan target ang isang alyas na “Nanoy,” na kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Katuwang ng mga elemento ng Bagumbayan MPS ang mga tauhan ng SKPECU at 37th Infantry Battalion.
Sa isinagawang paghahalughog, narekober ng mga pulis ang 12 sako ng Ammonium Nitrate Fuel Oil o ANFO na may tig-25 kilo bawat isa, 54 na piraso ng non-electric blasting caps, at isang rolyo ng commercial safety fuse.
Agad na nagsagawa ng pag-iimbentaryo at dokumentasyon ang mga awtoridad sa mga nasamsam na ebidensya sa presensya ng mga kinakailangang saksi bago itinurn-over sa SKPECU sa Isulan, Sultan Kudarat para sa wastong disposisyon at pagsusuri.
Kasong paglabag sa Republic Act No. 9516 o ang batas laban sa ilegal na pag-iingat ng mga pampasabog ang isasampa ng awtoridad laban sa suspek.



Comments