Girian ng 2 grupo sa SGA, BARMM, natigil matapos mamagitan ang militar; Mga kagamitang pandigma, nasamsam ng mga sundalo
- Teddy Borja
- Oct 24
- 2 min read
iMINDSPH

Pinawi ng militar ang tensiyon sa pagitan ng dalawang naglalabang grupo sa Barangay Barungis, Ligawasan, Special Geographic Area (SGA) – BARMM matapos mamagitan ang tropa ng 40th Infantry Battalion.
Nagka girian ang dalawang grupo, araw ng Miyerkules, Oktubre 22, 2025.
Sinabi ng Commanding Officer ng 40IB, Lt. Col. Erwin Jay Dumaghan, pasado alas-6:00 ng umaga nang makatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap na palitan ng putok sa Sitio Tuka ng nasabing barangay.
Mabilis na rumesponde ang tropa ng 40IB upang pahupain ang tensiyon at pigilan ang posibleng paglala ng sitwasyon. Nabatid na ang unang putukan ay tumigil ng dumating ang tropa ng kasundaluhan, pero muling nagpa-abot naman ang dalawang naglalabang pangkat dahilan para mamagitan ang mga elemento ng 40IB.
Napag-alamang ang girian ay kinasasangkutan ng magkalabang grupo nina Mackly Adam at Taib Sampulna. Si Sampulna ay kasalukuyan ring nagsisilbi bilang Barangay Kagawad ng naturang barangay.
Dakong ala-1:00 ng hapon, nakarekober ng mga sundalo ang pitong (7) iba’t ibang uri ng matataas na kalibre ng armas kabilang na ang isang granada sa lugar ng insidente habang nagsasagawa ng clearing operation.
Samantala, isa ang naiulat na nasawi sa panig ni Taib Sampulna.
Ipinaubaya naman ng militar sa kapulisan ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang tunay na dahilan ng nasabing sagupaan at upang masiguro ang pananagutan ng mga sangkot.
Tiniyak naman ni Brigadier General Ricky Bunayog, Commander ng 602nd Infantry Brigade, na patuloy ang presensiya ng mga kasundaluhan sa lugar upang maiwasan ang posibleng paglala ng tensiyon.
Samantala, pinuri ni Major General Donald Gumiran, Commander ng Western Mindanao Command, 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang maagap na aksyon ng mga kasundaluhan at lalong-lalo na ng lokal na pamahalaan ng Ligawasan sa pamumuno ni Mayor Boy Hashim Mama sa pagpigil sa posibleng mas malalang armadong labanan.
Tiniyak din ni Maj. Gen. Gumiran na mananatiling alerto at nakahanda ang Joint Task Force Central sa pagpapanatili ng kaayusan, katahimikan, at seguridad sa buong rehiyon ng BARMM at kalapit na mga probinsya.



Comments