GLOBAL PARTNERSHIP Pinalalakas pa ng Provincial Government ng Maguindanao del Norte na bahagi ng layuning maging emerging hub ng pandaigdigang pamumuhunan
- Mar 5
- 1 min read
iMINDSPH

Pinalalakas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Norte ang ugnayan nito sa mga international investors bilang bahagi ng layunin nitong maging emerging hub ng pandaigdigang pamumuhunan.
Muling nagharap sa pulong si Governor Datu Tucao Mastura at ang Chief Executive Officer ng Sato Investment SPC na si Kazuo Sato, araw ng Miyerkules, March 4 sa Provincial Government Center sa Sultan Kudarat.
Kasama sa pulong si Provincial Administrator Datu Sharifudin Tucao Mastura, at ang delegasyon ng Sato Investment SPC.
Tinalakay sa pulong ang pagpapalalim ng posibleng kooperasyon sa larangan ng imprastraktura, agrikultura, at renewable energy.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang pulong ay pagpapatuloy ng unang konsultasyon na isinagawa noong Pebrero 11, kung saan inilatag ang mga inisyal na plano para sa potensyal na partnership sa pagitan ng lalawigan at ng international investment group.
Ipinaliwanag din ng Sato Investment SPC na bilang isang Segregated Portfolio Company, ang kanilang istruktura ay nakatuon sa mataas na antas ng financial security at transparency, na naaayon sa layunin ng lalawigan na makapagpasok ng sustainable at pangmatagalang kapital na pamumuhunan.
Sa pamamagitan ng mga ganitong inisyatiba, ipinapakita ng Maguindanao del Norte ang kahandaan nitong makipagtulungan sa mga global partners upang mapalakas ang lokal na ekonomiya at matiyak ang mas matatag at maunlad na kinabukasan para sa mga mamamayan nito sa ilalim ng Development, Transformation, and Opportunity for Maguindanao del Norte o DTOM.



Comments